TULA
Ang Mercedes at ang sarao

sa kasagsagan ng init
ng katanghalian,
sa isang lansangang
patay sa trapiko,
nagkataong nagkatabi
ang isang kalawanging sarao,
at sa kanan naman nito'y
puting Mercedes ni Kongresman.

sa loob ng masikip na dyip,
mga pasahero'y namamaypay,
may ibang naiidlip,
mga bata'y umiiyak
dahil sa 'di matiis,
mala- Biyernes Santong init
habang ang tsuper
ay panay sa litanya ng mura
dahil sa sikip ng trapik,
at sa samut-saring pasanin,
sabay punas sa nanlilimahid
na libag at pawis.

Sa loob ng Chedeng,
Mapapansing ang nakabarong
Na pulitiko'y mahimbing
Ang tulog sa likod,
Laway ay tumutulo
Mula sa bukas na bibig,
Habang ang drayber nito
Ay bumubulong sa sarili,
Tila naiinis,
Dahil

Sa sobrang lamig.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan