Bulag ang diyos ngayong gabi
Ngayong ang kanyang mata'y kubli
Ng malaking antiparang puti
At ikinukumpas ng hangin
Ang himig sa dilim:
Katahimikan.
Katahimikang walang tinig.
Katahimikang walang imik.
Itong katahimikan ng lalong ligalig.
Napupuno ng mga mata ang dingding
Sa oras ng di-pagkahimbing.
Namumulat ang mga iwa
At siwang sa mga bubong,
Nagigising sa mga bulong.
At sa iyong pagdalaw,
ang ganitong katahimikan
ay kumakain na ng laman:
Kutkot ng kuko,
ngatngat ng ngipin,
wakwak ng pakpak.
May singhal ang iyong pagpagaspas,
Yumuyuko ang mga puno sa labas.
Bingwit ang iyong dilang
huhuli sa aking katawan
At malayang tatagas ang iyong laway.
Marahas na himas, walang habas.
Nagbibigay-latay ang iyong dalaw.
Sapo ko ang aking tiyan,
Dakot ang aking pusod
At hawak nang mahigpit
Ang aking bait:
Iniinda ang sakit.
Bulag ang diyos ngayong gabi,
At kahit na ilang kandila pa ang masindi,
bumibigay ang bait sa sidhi.