Kung di pinapansin ng birheng Manaoag
ang mga dasal mo't alay na bulaklak,
kung hindi maganap-ganap ang pahayag
na nabasa sa 'yong magkabilang palad;
kung ang isang bungkos ng dahong Maria'y
hindi epektibo at ang estampitang
may ritrato't buhok ay di rin umubra,
Ba't di mo subukang pumitas ng limang
gumamela? Ubod lang ang iyong kunin.
Tapos, sa almires ay pagdidikdikin.
Gaanan ang kamay. Gawin nang may lambing.
Sa ikalimampung segundo tumigil.
Ihanda ang isang garapon ng tubig.
Tiyaking dalawang tasa at malinis
na tubig ang laman. Sunod na isilid
ang pinagdidikdik. Saka ka pumikit.
Huwag kalimutang kumuha ng sanga
ng papaya. Dapat butas ang dalawang
dulo nito. Dapat din ay walang bara.
Gamitin mo itong panghalo. Kumuha
ng sabong panlaba. Saka mo ibudbod
sa tubig. Lalapot ito nang lalapot
at bubula. Hipan ang sanga. Susulpot
ang lobo. Lulutang. Lalapag. Puputok.
(pasintabi kay Tiya Pusit)