"PUWEDE KA na palang mamatay."
Ito ang sambit ng isang kaibigan nang minsang nabanggit kong nakilala
ko nang personal si Prof. Jose Maria Sison.
Maaaring sabihing exaggerated ang kanyang reaksiyon. Ngunit dito
nasasalamin kung paanong hinahangaan at iginagalang ng bagong henerasyon
ng mga aktibista ang isang taong itinuturing nang buhay na moog
sa pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Totoo. Hindi singguwapo ng sinumang artista sa Hollywood si Ka Joema.
Pero aaminin ko, kahit ayaw naming ipahalata noon, starstruck kami
sa kanya. Ang mga pasalubong nga naming sa mga kasama sa sektor,
autograph niya at ng iba pang kasamang political refugees sa Holland.
Sabi pa ng isa naming binigyan, ipapa-frame daw niya ang kapirasong
papel na may pirma ni Ka Joema, with matching star sa dulo.
Pero bago kaming bansagang kulto, nais kong banggitin ang ilang
mga dahilan ng aming pagkaelibs sa kanya.
Mahusay na guro si Prof. Sison. Sasang-ayon ang marami. Wala yatang
kasama sa kilusan ang hindi nakabasa man lang ng kahit isa niyang
libro o sanaysay.
Partikular sa sektor [ng kabataan-estudyante], malinaw niyang ipinaliwanag
sa kanyang mga sanaysay na "Youth on the March" at "Student
Power?" sa Struggle for National Democracy ang wastong oryentasyon
ng kilusang kabataan at estudyante. Ang patuloy na pagsulong at
paglakas ng kilusan sa sektor ay nakaugat sa pakikipagkapit-bisig
nito sa masang anakpawis, bagay na tinukoy ni Ka Joema sa mga nasabing
artikulo.
Inaabangan ng marami, hindi lamang ng mga kasama kundi maging ng
gobyerno, military at burges na midya ang kanyang mga fearless forecast.
Tulad ng kung paanong sa maagang yugto ng termino ni Joseph Estrada,
inihayag niyang mapapalayas ng mamamayan ang fating barumbado sa
Malakanyang. Na siya namang nangyari. Kamakailan, binanggit niya
na ang malakas at malawak na nagkakaisang prente laban sa talamak
na pandaraya at pandarahas ay maaaring makapagpatalsik kay Gloria
Macapagal-Arroyo. Na inaasahan naman din nating kagyat na magaganap.
Epektibo, sarkastiko kung upakan niya ang imperyalistang Estados
Unidos at ang papet na rehimeng Macapagal-Arroyo.
Sa mabilis niyang pagbasa sa sitwasyon sa loob at labas ng bansa,
kahit ilang milya pa ang kanyang layo, ipinagkakamali ng mga kaaway
ng mamamayan na siya ang kumukumpas kapwa sa armadong pakikibaka
sa kanayunan at sa ligal at demokratikong kilusan sa kalunsuran.
Ngunit pabayaan muna natin ang mga hangal sa kanilang maling akala.
Para sa mga kabataang intelektuwal na palagiang naghahanap ng sagot
sa maraming tanong, pinupunan ng siyentipikong pagsusuri ni Ka Joema
ang patlang sa teorya.
Ngunit higit rito, ang mismong buhay ni Ka Joema ang nakapagpabilib
sa sinuman sa amin.
Hanggang ngayon, sa edad na 65, katuwang pa rin natin siya sa pakikibaka.
At parang hindi siya tumatanda. Malago pa ang kanyang buhok. Hindi
pa gumagamit ng tina. Palabiro kahit alam niya na siya ay korni.
Makuwento. Madalas, ang mga kwento niya ay patungkol sa panahong
siya'y naririto pa sa Pilipinas. Di maipagkakailang magpahanggang
ngayo'y punung-puno pa siya ng pag-asa. Nakakahawa ang kanyang mga
pangarap. Talagang parang mas bata pa siya sa amin kung pag-uusapan
ay ang pananalig sa katumpakan ng ating pagkilos at katiyakan ng
tagupay sa hinaharap.
Hindi terorista ang aming nakaharap at nakahuntahan ng ilang araw.
Isa siyang tunay na makabayan at rebolusyonaryo.
Sa aming sa pang-araw-araw ay maaaring magtanong at magpasya kung
mananatili pa sa pagkilos o titigil na, sa aming minsa'y sinasakmal
pa rin ng petiburgesyang kaisipan at gawi, ang mga katulad niyang
pinanday ng panahon at pakikibaka ay laging nagsisilbing inspirasyon.
Noong nagpapaalam na kami, isa-isa niya kaming niyakap. Mahigpit
at mainit ang kanyang mga yakap. Alam naming gustung-gusto niyang
sumama pauwi, tulad ng kantiyaw ng ibang kasamang matatanda. Ngunit
naramdaman kong iyon ay isa ring paghahabilin. Kaswal kung sabihin
niyang wala nang sampung taon ang kanyang itatagal sa mundo at malamang
hindi na niya masaksihan ang araw na ating
pinakahihintay-hintay. Wala akong nasabi. May bara sa aking lalamunan.
Apatnapu't limang taong walang sawang paglilingkod sa sambayanan.
Ka Joema, hindi siguro namin matutumbasan, kahit sindami ng pusa
ang aming buhay, ang iyong dakilang pag-aambag. Ngunit makatitiyak
ka, mayroong magpapatuloy. Kaya nais kong sagutin ang pahayag ng
isang kaibigan, hindi pa ako/kami/tayo puwedeng mamatay. Para sa
mga nauna nang nag-alay ng buhay, para sa sambayanang Pilipino,
para a mamamayan ng daigdig na patuloy mong pinaglilingkuran.