TINIG
Pagte-text: Isang Penomenon

KUNG MAY isang bagay na permanente sa mundo, marahil ito ay ang pagbabago. Pagbabago na tunay na makikita sa mabilis na pagsulong ng panahon; pagbabagong namamasid sa mga kakaibang nangyayari sa
kapaligiran at maging sa buhay ng tao.

Kaakibat ng pagbabago ang modernisasyon, at kapag sinabi ang modernisasyon, kaagad papasok ang ukol sa teknolohiya na itinuturing na pinakamabilis na kakikitaan ng pagbabago at nagiging sanhi ng pagbabago sa mundo. Nagagawang moderno ng teknolohiya ang buhay ng tao, at nagagawang patakbuhin ng teknolohiya ang buhay ng tao. Isa sa nagagawa ng teknolohiya sa buhay ng tao ay ang nagagawa nitong padaliin ang mga gawain o pagaanin ang trabaho ng tao.

Sa kasalukuyan, hindi maikakaila ang nagawa ng teknolohiya sa ating mga Pilipino.

Litaw na litaw ang pagpapagaan nito sa larangan ng ating komunikasyon at makikita ito sa paggamit natin ng text o ang tinatawag na pagteteks. Sino ba ang makakaisip na ang mga dating telepono na tila pangkudkod ng yelo ay lumiit at habang tumatagal ay paliit nang paliit. Naglitawan ang mga 5110, 6110, 3310 at iba pa, na pati mga bata at matatanda ay nahumaling sa mga ito.

Sa loob ng klasrum, halos lahat ng mga mag-aaral ay may hawak nito, pati ang mga guro na magkaminsan ay bitbit pa ito hanggang sa klasrum na magkaminsan ay nakakaistorbo sa pagtuturo. Kahit saan, at maging sinuman, halos ay mayroon nito, tila kadikit na ito ng kanilang buhay.

Kung sabagay, mainam na ito sapagkat napapagaan nito ang komunikasyon. Subalit, hindi rin maiiwasan ang negatibong nagagawa nito, gaya na lamang ng maling paraan ng pag-ispeling o pagbaybay na tumatak sa kaisipan ng mga taong gumagamit nito. Sa mga mag-aaral ay kitang-kita ang ganitong sitwasyon, halos makikita ang kamalian nila sa mga ispeling.

Dapat tandaan na may limitasyon ang lahat, oo nga at napapadali ng pagte-text ang komunikasyon, subalit dapat pa ring tandaan na may angkop na gamit ito at hindi dapat gamitin sa ibang sitwasyon tulad ng mga gawaing pang-akademiko.

Hindi masama ang makianod sa pagbabago, subalit kinakailangang malaman kung ano ang limitasyon nito at hanggang saan lamang ito maaring gamitin o maiangkop. Makabubuti ang pagbabago kung positibo ang kinahaharap nito, subalit hindi nagiging mabuti ito kung nasasagasaan na nito ang mga bagay o sitwasyon na hindi nito dapat panghimasukan.

---------------
Si Nestor, 31, ay isang propesor sa Angeles University Foundation. Nagtuturo siya ng Filipino. Kasalukuyan siyang kumukuha ng Ph.D. sa Philippine Normal University.

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan