TINIG
Ang First Time ni Gel

MIYERKULES… APRIL 21, 2004, isang normal na araw ng Miyerkules at ako’y nagising sa aking kusa. Walang kumakanta sa videoke-han ng hindi kaaya-aya sa pandinig, walang mga batang sumisigaw ng, “SASARA ANG BOOLAKLAK, BUBUKA ANG BULAAKLAAAK! PAPASOK ANG REYYNAH! SASAYAW NG CHA-CHAA! ” Mabuti’t hindi nag-BOOM!!!-tiyaya ang eardrums ko nang araw na iyon at nakatawa akong bumangon sa aking hinihigaan. As usual, dahil bakasyon, sinusulit ang bawat segundo ng bawat araw sa pagpe-playstation, panonood ng telebisyon, pag-iinternet at kung anu-ano pang sport para palakihin ang mga muscles ko sa daliri dahil maya-maya lang ay June na… College na pala ako?!? Pero iba ang bakasyong ito dahil seryosohan na ang haharapin sa pasukan dahil nga magkokolehiyo nako. Para sa edad kong labing-anim—yes, 16 nga ang nabasa mo—marahil, ang tanda ko na para maglaro na parang Grade 4. Sinusulit ko lang naman ang pagiging bata dahil minsan lang yan nangyayari sa isang buhay mo. Hindi ka pusa para magkaroon ng siyam na buhay. Late bloomer daw kasi ako, sabi ng nanay ko, at kahit anong pakita mo sa mga mag-BF/GF d'yan sa harap ko, pipiliin ko pa ring maging single kasi, makakagalaw ako nang malaya at walang i-istorbo sa paglalaro ko ng Final Fantasy sa Playstation.

May workshop ako ngayon. Workshop? Mag-aartista ka? Hindi, 'no. Iba-iba ang workshops. Hindi lang acting workshops kundi may singing, dancing, swimming, Hawaiian dancing, painting, walis ting-ting, batingting, waiting, walking, sun bathing at kung anu-ano pang may "-ting". Ano nga ba'ng kuneks'yon ng mga workshops sa first time ko? E grade school pa lang, hindi na iba sa akin ang mga workshop dahil taun-taon akong pagala-gala sa Manila habang kumakaripas ng takbo para hindi ma-late sa susunod na workshop sa kabilang building.

Bilang mambabasa nitong sanaysay ko, siguro, inip na inip ka na kung ano nga ba itong first time na pinagsasasabi ko. Sya nga pala, hindi “iyon” ang first time na iniisip mo. First time ko lang naman mapabayaan… mapabayaang mag-jeep sa kalakhang MAYNILA! *Cue ng Horror Music*. Actually, nakasakay na 'ko ng jeep mag-isa dati pero iba ‘to dahil sa haba ng panahon kung kelan ako huling nag-jeep mag-isa sa Manila, ngayon ko lang na-realize na hindi pala pwedeng manghula ng sasakyang jeep sa lugar na iyon. Buti pala noon, tama yung sinakyan ko kaya parang first time ko ulit. Kundi nasa TV Patrol na ang aking face habang binabanggit ni Korina Sanchez ang telepono ng bahay naming at kulay ng huling damit na aking sinuot bago ako naligaw at kung saan ako huling nakita. Ipagbigay alam lamang ho sa numerong 8**-***9 at nami-miss na s'ya ng kanyang inang ilang taon na syang hindi nakikita. Ganito po ang itsura nya, 10 years ago.

May pupuntahan kasi si Mommy kaya hindi nya ko nahahatid-sundo. Siguro nga, it’s time. It’s time na para matuto akong harapin ang napakalaking mundo na hindi nakasuporta si Mommy sa likod ko habang naka-disguise para di ko sya mapansing nang-ii-stalk sa 'kin.

Hindi ako pala-gala. Marahil isa ito sa dahilan kung bakit hanggang ngayong 16 na ako ay jeep ng iisang ruta lang ang kaya kong sakyan at halos lahat ng pupuntahan kong galaan, parating may kasamang mas may alam kung saan ang direksyon ng pupuntahan namin. At syempre, may manlilibre ng pamasahe.

Ang simula ng workshop ko ay 3:00 p.m. 2:30 na hindi pa ako umaalis eh traffic pa naman ang madalas na hinala ko tuwing ganitong male-late ako. Kailangan, maghanda ng 45 minutes-1 hour para mag-biyahe kaya nag-LRT nalang ako… Ano yung LRT? Light Rail Transit. Tren yan pero hindi na LRT ang tawag. SRT na. Ha? Sight Rail Transit? Nakikita lang sya pero di nasasakyan??!? Hinde. Strong Republic Transit kasi si President Gloria Macapagal-Arroyo ang nagpaganda ng dating LRT kasi magnetic cards na ang ticket, hindi na token o pisong mabigat pero kahit ano pang itawag don, LRT pa rin ang itatawag ko sa treng iyon. Back to the topic. Tamang tama! 15 minute ride, 'sakto ang dating ko habang sasabihin na ng coach ang unang salita ng second session na aking workshop. Malas ko lang, nasa pagitan ng UN Avenue at Pedro Gil Station ang building kung saan ako mag-wo-workshop kaya naglakad pa ako ng layo na ang equivalent ay kalahati ng isang station. Sayang ang kalahati ng pamasahe ko!

Masaya naman ang kinalabasan ng aking workshop na nagtagal ng dalawang oras. Sa katunayan, 2 and a half hours pala kasi nag-overtime kami. Alas-singco-y-media yata kami natapos. Jaran! I’m on my own! Paglabas ko ng building, bigla akong nanliit sa dami ng jeep na makikita ko. Hindi ko inaasahang ang dami! Huwaw! Buntong hininga kong pinagpasyahang mag-LRT nalang ulit pag-uwi. No choice kundi maglakad ulit ng kalahating-layo ng isang LRT station para makarating sa aakyatang istasyon pero biglang nagulat ang lahat ng ugat sa utak ko nang makakita ng mahabang pila. May lotto booth sa Pedro Gil LRT Station!?!?! Nagsayang ako ng energy sa pag-akyat sa hagdang mataas nang bigla akong nagulat muli… Whoa! Hindi pala pila ng lotto yon kundi pila sa mismong ticket booth ng LRT… Bumaba akong luhaan sa pag-aakalang makakauwi na ako para maunahan si mommy sa pag-i-Internet. Eto talaga ang no choice… kelangan ko nang mag-jeep.

Kabadong-kabado dahil hindi malaman kung alin ang sasakyan sa rumaragasang ilog ng mga jeep sa kahabaan ng kalyeng iyon. Ang alam ko lang, Libertad ang parati naming sinasakyan ni Mommy at tamang-tama! Dahil ang unang nasilayan kong jeep ay may Libertad at tumatakbo akong sumakay. “Mama bayad ho, isang Libertad, kasasakay lang ho” with conviction. Aantok-antok ang utak ko sa jeep pero hindi pwedeng matulog dahil baka lumampas ako o maholdap nang hindi ko nalalaman. Mantika pa naman ako matulog, kahit tabihan mo ako ng bomba o unti-unting basain ng tubig ang likod ko, hindi kita papansinin… In your Dreams! Kaya nanatili akong nakatitig sa isang direksiyon habang nilalabanan ang antok. 30 minutes later… “O dito na ang huling trip ng biyaheng ito,” sabi ng mamang driver. Ano!?!? Nasa Harrison Plaza palang ako! Patay tayo dyan. Mali yata ang nasakyan ko.

Cool na cool akong pumasok sa Mall na iyon at hindi pinapahalatang hindi ako sanay nang walang kasama sa galaang hindi ko pa name-memorize kung paano magpa-balik-balik gamit ang jeep. Bigla kong nakalimutang naliligaw ako dahil, tamang tama! nandito lahat ng bilihan ng Playstation games na dati ko pang gusting bilhin. Nanlaki ang mga mata ko dahil nandito rin ang mga favorite kong Street Food na nasa Mall. Unfortunately, dalawang Bente Pesos nalang ang pera ko. Hindi pa sapat sa papalarin ko in case mali nanaman ang sakyan ko. Sakripisyo na lang, kahit nandiyan na ang pagkakataon para walang manita sa akin sa pagiging magastos ko sa mga ikalilibang ko, next time na lang 'pag marunong na 'ko. Lumabas na naman akong luhaan sa aking semi-dream place. Balak ko sanang magpasundo pero kinain ng payphone ang piso ko! *Sabay pukpok ng payphone* Ire-redial ko sana ang number ng telepono naming sa bahay kasi walang sumasagot kaya lang, maraming nakapila kaya bonus na iyon ng susunod na tatawag. Nakatulong pa ako ng hindi oras. Hindi ko naman mailabas ang cellphone ko dahil lapitin ng mga pickpocket ang may cellphone. At least, nakalanghap naman ako ng air-con kahit sandali lang galing sa pugon na jeep na huli kong sinakyan.

Ah… siguro naman ngayon, tama na itong sinakyan ko dahil tuwing 'pinapasyal ako ni Mommy sa Harrison Plaza, dito lang sa terminal na ito ako dinadala. Para sigurado, tinignan ko ang karatula ng paroroonan ng jeep. May nakita akong Pasay Luna. Naku! Hindi pa rin ako sure pero dahil taga-Pasay ako, baka maging pamilyar naman ako sa susunod kong bababaan. Buti nalang at madalas akong igala ng pamilya ko kaya naging pamilyar na sa akin ang mga daan ng sinasakyan kong jeep kahit hindi ko masyadong priority ang mag-saulo ng ruta ng mga sinasakyan ko. Para akong Liver na Tinadtad sa kakahanap ng Libertad sa karatola ng jeep. Pero ano pa ang dapat kong gawin… maglakad, magpalabuy-laboy?!? There’s no harm in trying. 'Wag lang sana akong ma-harm sa mga susunod kong gagawin. “Lord bahala Ka na po sa akin. Sana po, may makakilala sa akin 'pag binanggit na ni Korina ang pangalan ko sa TV. Para ma-drama, iiyak ako at dahan-dahang tatakbo habang inaabot ang yakap ni Mommy sabay uwi.”

Ngayon, hindi na puwedeng tutulog-tulog ang isip sa dinadaanan ng sasakyan. Kailangan na akong mag-memorize. Habang itinu-tour ako ni manong sa hindi ko masyadong kilalang lugar, wala naring masama kung sauluhin ko ang mga famous landmarks ng lugar na iyon tulad ng mga barber shops, tindahan ng barbeque, welcome messages galing kay Mayor Ganito Ganyan, etc. para kung sakaling sa ibang planeta na naman ako mapadpad, babalik nalang ako sa Harrison Plaza kahit pa maglakad na lang ako at least kung wala nang jeep pabalik, alam ko na ang pupuntahan ko. 'Wag lang sanang gibain ang mga iyon hangga’t hindi ko pa sila memorized.

I feel like I’m getting near… Yes! This place looks family… este familiar! I think I’m home! Dahil ito lang naman ang daan para mapalapit sa Libertad! Yahoo!!! Yehey!!! Google!!! Lycos!!! I made it! Ito ang mga katagang nasa isip ko… nasa isip lang kasi baka dal'in ako sa Mental Hospital pag nagsisisigaw akong nagdiriwang sa loob ng jeep.

'Tapos… Ha!?!? Tama ba itong nasakyan ko?!? Malayo sa inaakala kong bababaan ko dahil last trip na naman ng jeep. At least ngayon, sobrang pamilyar na 'ko sa lugar na binabaan ko kaya hindi na ako nakipagsapalaran pang mag-jeep. Naglakad nalang ako. This is the Moment! Ayan. Nasa ilalim na ako ng Libertad Station. Pagod na tatawa-tawa nang walang sound dahil sa wakas, I’m home! Pero teka! Don’t tell me naliligaw ka na naman! Hinde. Lulugu-lugo lang na naman akong maglakad. Siguro, kelangan ko nang mag-tricycle papunta sa amin. Pag ito pa naman naligaw pa ako, slap me in the face, baka natutulog lang ako. Magbabayad na lang ako ng bente pesos kaysa bente mil sa ospital para sa mga bali ng mga buto ko kung mabangga ako ng jeep.

Hay, salamat! Nakauwi na rin dahil pagkatapos ng isang maikling oras na punung-puno ng kwento, nakahiga na rin ako at nakapag-relax. 'Kinuwento ko ang aking very unforgettable experience kay Mommy at tawa s'ya nang tawa at nalaman ko rin na tatlo pala ang sinasakyang jeep na may Libertad. Ang sinakyan ko pala ay may Remedios at Dakota. Next time, 'wag ko na daw sasakyan iyon dahil sa Harrison Plaza lang ang bagsak ko (yes! alam ko na kung paano pumunta do'n!). Dapat daw, may Baclaran at Rotonda. 'Yang dalawang lugar na 'yan ang mga essentials kasama ng Libertad para maka-uwi ako nang hindi nababalita. At may isa pang hanggang Cartimar lang ang huling trip. Not bad na rin, kasi, kahit mahabang-mahaba pa ang lalakarin ko pauwi, diretso lang naman ang tatahakin kong daan. Exercise na rin 'yon nang sapilitan sakaling iyon ang nasakyan ko pero buti nalang naligaw ako sa Harrison at ngayon, p'wede na 'kong magpunta doon mag-isa at magsawa sa kapipili o kabibili ng bala ng Playstation. Buti na lang at naligaw ako. Kung akala n'yo na umuwi ako nang sobrang saya, nagkakamali kayo… Umiwi pa rin akong luhaan pero masaya na rin dahil naunahan ako ni Mommy sa pag-i-Internet! At least, hindi na ako maliligaw.

---------------
Si Gel ay mahilig mag-Internet, gumawa ng websites (pero kadalasan, hindi niya natatapos puwera sa tatlo na natapos niya rin), mahilig siya sa music, mahilig din siyang maglaro ng computer at playstation games.

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan