SIMULA NANG umupo bilang pinuno ng Metro Manila Development Authority
o MMDA si Bayani Fernando ay marami na siyang naibahaging mga "katalinuhan"
sa tanggapan. Mula sa pagiging isang mayor ng Marikina ay naging
isang tunay na "henyong pinuno" ng MMDA itong si Fernando.
Tingnan natin ang kanyang nagawa para sa trapiko ng bansa: ang
pabalu-baluktot na anyo ng trapiko ngayon ay nagsisilbing mahalagang
ehersisyong pangkaisipan ng mga nagmamaneho ng sasakyan--walang
aantukin sa kanila pagkat matutuwa sila nang lubos na malampasan
ang mga balakid at ipagsigawan sa langit ang pagkapanalo nila. Saan
ka nakarinig sa buong daigdig ng isang pinuno ng sangay ng pamahalaan
na bumuo ng isang real-time maze game na tila Snakes 'n'
Ladders?
Sa pagnanais din niyang maparami ang makapagsaya sa kanyang Snakes
'n' Ladders ay binalak niyang paluwagin ang kalsada sa pamamagitan
ng pagtanggal ng mga simbahan at palaruan ng basketbol. Hindi na
nga naman natin kailangan ng pananampalataya sa mga panahong ito,
at lalong hindi na kailangan ng palaruan ng basketbol pagkat naririyan
ang kanyang Snakes 'n' Ladders.
Sapagkat mahal niya ang ating bansa'y ayaw na ayaw niyang may nakikitang
mga naghihirap, kaya't sinimulan niya sa mga nagbebenta sa bangketa.
Ngayon, dahil sa mga pinaalis niyang mga nagtitinda ay nababawasan
nga ang kahirapan sa bansa; dahil sa kawalan nila ng hanapbuhay
ay unti-unti silang nagugutom at namamatay--ito ang katunayan ng
kagalingan ni Fernando sa pagbura ng kahirapan sa bansa.
Ang kanyang proyekto ng pagpapalagay ng mga maiihian na lugar ay
isa pa ring patunay ng kanyang pagiging henyo; dahil ang mga ihiang
ito ay matatagpuan sa mga lugar na hindi karaniwang nadadaanan ng
mga tao, napatitibay nila ang kanilang katawan sa pamamagitan ng
pagpipigil ng ihi--at kung hindi pa ito sapat na kabutihan, nakakapag-ehersiyo
pa sila ng binti dahil kinakailangan nilang lakarin ang kinaroroonan
ng mga ihian.
Hindi talaga maitatanggi ang kahenyuhan nitong si Fernando.
Minsa'y sinabi niyang tinatawag siya ng Diyos upang tumakbo bilang
bise-presidente--bagay na hindi niya itinuloy sa kadahilanang siya
rin lamang, sa kanyang kahenyuhan, ang makasasagot. Ngunit ito ang
isang bagay na hindi pa niya nasasagot: Sino nga ba ang kanyang
diyos? Anong uri ng diyos nga ba ang sumasang-ayon sa kanyang mga
ginagawa?