1.
HINDI NAKAUWI nang maaga si Brenda dahil nabunggo siya ng trak ng
semento.
2.
Maulan ang Sabadong iyon. Galing siya sa panonood ng volleyball game
ng kanyang mga kabarkada. 6:37 siya nakababa sa tapat ng gate ng subdivision,
nagmamadali sa pagbubukas ng dala niyang payong. Hindi pa umaalis
ang bagyo, naisip niya. Hindi rin malaking tulong ang payong, pero
isang tawid at ilang lakad na lang ay nasa bahay na naman siya.
3.
Pagtawid niya, nabunggo siya ng trak.
4.
Dead on arrival siya sa ospital. Biyak ang bungo niya at lumuwa ang
kaliwang mata. Mula sa biyak ng kanyang bungo,bumubulwak ang napulbos
niyang utak-mga pira-pirasong alaala ng pinanood na volleyball game,
mga nadurog na litrato ng mga kaibigan at kamag-anak, ang pagpansin
ng kanyang crush sa bagong gupit niyang buhok, mga pormula sa Algebra,
mga aralin sa Kasaysayan at Computer, ang nakaaway niyang teacher
sa Filipino, lahat ay nagsama-sama sa nadurog na kumpol ng mga tissue,
selula, dugo, ugat, tubig-ulan, alikabok, buhok niya't buhok mula
sa pawisang Chicago Bulls Cap ng driver ng trak, sumbrerong ginamit
nitong panalok ng sumambulat na utak sa kalsada. "Akala ko kasi,
bato," yun ang palaging sinasabi ng driver sa mga doktor at kamag-anak
ni Brenda.
5.
Linggo ng umaga'y nakaayos na ang burol ni Brenda. Ginawa ang burol
sa kanilang bahay, sa loob ng subdivision. Hindi mapigil sa pag-iyak
ang nanay at tatay niya. Halos hindi pa rin makapaniwala ang kanyang
mga nakatatandang kapatid, hindi sila makapaniwalang mauuna pang kunin
ng Diyos ang kanilang bunso. Ni hindi umabot sa 18th birthday, ni
hindi umabot ng third year high school. Ni hindi man lang nagka-boyfriend
o naranasang maligawan. Maingay ang kuwentuhan sa labas ng bahay.
Hindi raw aksidente ang pagkamatay ni Brenda, sabi ng mga kapitbahay.
6.
Oo, nabunggo raw nang di sinasadya, sabi ng isa, pero hindi raw magkakaganoon
ang katawan ng bata kung isang bungguan lang. Dagdag pa ng isa, may
mga nakakita raw na inatrasan nang ilang beses si Brenda, kaya napulbos
ang utak, kaya lumuwa ang mata't umimpis na ang katawan sa pagkakakaladkad.
Lasing daw ang driver. Kailangang may managot daw. Marami na raw nabubunggo
sa tapat ng subdivision nila talaga. Accident prone daw dahil public
road ang katapat. Nagmumulto raw si Brenda, naririnig na umiiyak sa
may gate ng subdivision. Palagi rin daw basa ang bahagi ng kalsadang
pinangyarihan ng aksidente.
7.
Pagkapasok sa loob ng bahay, pagkasilip sa kabaong, iisa lang ang
sinasabi ng mga tao: mukhang natutulog lang.