MAIKLING KUWENTO
Kuya Ko si Superman

DARATING SI Kuya sa bahay, mangangalisag ang balahibo ng alaga naming pusa. Magtatago ito sa ilalim ng kama o kaya'y susuot sa kisame. Kahit tanghali pa, hahapon na ang mga tandang at inahin sa tuktok ng puno ng duhat. Makakalimot ang mga gansang kumembot sa pagsiksik sa damuhan, matatameme ang mga kambing, at mamumutla ang mga baboy.

"Hala, sige magsitago kayo!" hahalakhak si Kuya nang nakapamewang habang nanunukot sa kaba ang aming mga alaga.

Aalis si Kuya sa bahay, maluwalhating lalabas ang mga daga mula sa kani-kanilang lungga, maghaharutan ang aso't pusa, muling mapupuno ng siyap at tilaok ang aming bakuran at maglulundagan ang mga tilapya sa pispan.

Ganoon lagi. Pag nariyan si Kuya, nauudlot sa pangingitlog ang mga inahin sa silong namin. Nawawalan ng ganang kumain ang mga baboy. Naglalaho ang tahol, ngiyaw at putak. Parang sementeryo ang aming bakuran, tahimik na tahimik, saka dadagundong ang bawat hakbang ni Kuya.

Libangan ni Kuyang ibitin ang aso nang nakakadena, banlian ang matatakaw na pusa, putulan ng buntot ang mga butiki, bunutan ng binti ang mga nahuhuling tutubi at pagbuhul-buhulin ang mga uod.

"Inililigtas ko lang naman ang buong mundo." Ikakatwiran niya lagi.

"Wag ka ngang ganyan, Delfin," saway ni Nanay kay Kuya, "mamaya magtampo ang ating mga alaga."

Hindi pa man natatapos magsalita si Nanay, may maririnig na namang tarantang atungal ng nabigwasang kambing,

"Eto'ng sa,yo, ang bago kong laser sword."

"Muli na naman tayong iniligtas ng ating bida." At papalakpakan ni Kuya ang kaniyang sarili.

Kami ni Nanay, magiging abala sa pagwawalis sa nagkalat na magang pakpak at balahibo, sa paghilot sa mga pilay at pagpapapimpis ng mga bukol.

Minsan, lupaypay na nahiga ang aso naming sa gilid ng pintuan. Dumating si Kuya, pasipul-sipol. Marahang ipiningot ni Kuya sa tenga ng aso ang sipit na kanyang nakuha mula sa sampayan. Napabalikwas ang aso, pumungas-pungas ito at sinakmal ang binti ni Kuya.

Halos umaalulong na iwinasiwas ni Kuya ang kaniyang binti. Tumilapon lampas sa bakod ang aso.

"Wag na wag kang magsusumbong," banta sa akin ni Kuya. Nang makahanap ako ng alcohol at bawang ay nakaalis na si Kuya.

Nanamlay bigla ang aso namin. Ayaw nang kumain. Ikinulong ito ni Tatay dahil binubulaan ng laway ang bibig, antalim ng tingin at nasasakal, nagpupumiglas na makawala sa kadena. Dalawang gabi kaming di nakatulog dahil di ito tumahan-tahan. Kinabukasan, naghukay kami ni Tatay sa likod-bahay para doon ilibing ang aming alaga.

Isang araw, nakita namin si Kuya sa taas ng puno ng akasya, naglalaway, sigaw nang sigaw habang pinupunit ang kaniyang t-shirt. At bigla siyang lumipad.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan