ALAS-SIYETE na noon. Nasa loob ng kwarto sina Inay at Itay at narinig
kong nanonood sila ng Magandang Gabi Bayan. Lumabas si Inay at nilapitan
ako. "Tawag ka ng Itay mo." Nauna na pabalik si Inay, ako
naman ay nanatiling nakaupo pa rin nang ilang sandali, kabadong-kabado
para sa kung anumang patutunguhan ng pag-uusap namin.
"O. Ano iyung sasabihin mo?" tanong ni Itay. Nakahiga siya
sa kama at balot na balot ang mga hita; pansamantalang hindi makalakad
dahil napasma.
"Inay, Itay. Hindi na po ako mag-aaral. Gusto ko pong maging
supervillain. Iyun po ang napagdesisyunan ko." Tiningnan lamang
ako ni Itay, hindi nagsalita. Nakita ko namang nanlisik ang mga mata
ni Inay. "Supervillain? Supervillain? E bakit pa ba namin ginagapang
ang pag-aaral mo? Anong sinasabi mong hindi mo na itutuloy? Siguro
dahil bagsak-bagsak ka ulit sa mga klase mo ngayon! Hindi mo pa pinapakita
sa amin ang classcards mo. Siguro nga bagsak ka! Tang-ina ka! Gago!
Tang-ina ka!"
"Kasi po, iyun ang napag-isipan kong gusto kong maging. Ang
isang supervillain.O arch-villain. Bata pa po ako pangarap ko na ang
maging ganito. Napilitan lang naman po ako sa kurso ko ngayon dahil
sa inyo ni Itay. Pero, hindi ko naman po talaga hilig ang Industrial
Engineering. Ang hilig ko po ay. . . magplano ng mga pagnanakaw sa
mga bangko, jewelry stores o gold deposits, gumawa ng mga stellar
death rays, mag-umpisa ng mga territorial at internecine conflicts,
gumawa ng mga elaborate at ingenious traps para sa mga nagplaplanong
maging superhero, mga amag at uod lamang diyata ang mga superhero
na ito laban sa aking kagila-gilalas na henyo! Henyo ni Kapitan Kalansay!!!
B. . .b. . . Bwa. . ." Sinubukan ko ngunit hindi ko na nagawang
pigilang iparinig sa aking Inay at Itay ang aking matagal nang pinagmamalaki
sa aking mga kaklase at kaibigan at magiging henchmen na tawa. ".
. .bwa ha ! BWA ha ha ha!!! BWA HA HA HA HA HA HA!!!!!"
"Ipakita mo sa akin ang classcards mo." Sabi ni Inay. "Dalhin
mo rito ngayon."
"Hindi ko pa po nakukuha."
"O hindi mo kinuha? Araw-araw kang umaalis dito, at sabi mo
kukunin mo pero palaging kesyo hindi pa natatapos, hindi pa lumalabas,
wala pa ang propesor. . . siguro hindi mo lang kinukuha dahil alam
mong bagsak ka."
"Hindi na po ako pwedeng mag-aral. Hindi ko po hilig ang IE.,
kaya nawalan na ho ako ng gana sa pagpasok noong nakaraang sem-"
Tumama ang sampal ni Inay sa aking noo. Naisip kong dapat ay natapos
ko na dati pa ang pagbuo ng sarili kong adamantium faceplate at helmet,
na ayon sa plano ay hindi lamang makakatulong sa pagprotekta sa aking
ulo mula sa mga konbensyonal na atake ay makakapagdagdag rin sa aking
mga natural na kakayahan bilang telepath.
"Ilan? Ilan ang pinasa mo?" Tanong ni Inay. At ako naman
ay hindi na makasagot.
Nagpatuloy nga ang ganoong pag-uusap buong gabi. Umiyak si Inay.
Umiyak si Itay. Nagkaroon ng mga pagmumura at nagkaroon ng mga pagdadahilan.
Isang taon at kalahati akong nawala sa Unibersidad. Sa totoo lang,
marami na sa mga pangyayari sa loob ng panahong iyon ang akin na ngang
nakalimutan, at hindi lahat ng ito dahil sa aking bigong pagtangkang
lipulin ang "Agresibong Anim" kung saan nakatamo ako ng
lubhang pinsala sa aking cerebral cortex at namatay ang aking henchman
na si Mr. Mebendazole. Naaalala ko na lamang pagkatapos nito ang buwan-buwang
pag-hikikomori sa aking kwarto, mga paggising tuwing alas-sais ng
gabi at pagtulog tuwing alas-siyete ng umaga upang maiwasang makasalubong
sina Inay at Itay. Sa aking kwarto, Playstation at radyo lamang naman
ang hinihinging karamay sa mga mumunting trahedya ng isang supervillain.