GINISING AKO ng tunog ng paulit-ulit na pagkaskas ng walis tingting
sa lupa. Nararamdaman kong maraming dahon ang winawalis sa labas.
Malakas ang hangin. Ikaw, nakatingin ka na naman sa akin.
Dumungaw ako sa bintana. Halos walang nagbago sa mga bagay sa paligid
ko mula noong bata pa ako. Hindi mo ba napapansin ang mga iyon? Siguro'y
dahil hindi mo sila tinitingnan. Ang malaki't malagong puno ng mangga,
na sabi ni nanay, ay magsasalba sa atin sa oras ng paghuhukom ng Diyos
ay nananatiling nakatayo, matikas, hindi natitinag. Sa tuktok daw
ng punong iyon ilalagay ang isang malaking bahay na magliligtas sa
mga tao pagdating ng paglilipol ng Panginoon sa mga taong walang pananampalataya.
Ang mga kampon ng diyablo ay mawawala. At mabubuhay daw tayo habambuhay.
Hindi ko alam kung naniniwala ka. Isa ka rin siguro sa mga nagsasabing
kabaliwan ang mga iyon - na baliw ang nanay ko. Kung buhay lang si
nanay, tiyak kong marami siyang masasabi tungkol sa buhay na walang
hanggan.
Tinitingnan na kita ngayon. Namumutla ka na. Hindi ka kasi naaarawan.
Mukhang pagod ang mga mata mo. Parang hindi ka pa natutulog. Hindi
pa kita nakikitang natutulog. Ako rin, hindi ko pa rin nakikita ang
sarili kong tulog. Ilang beses na kitang gustong ipasyal at gusto
kitang libangin. Pero hindi mo pinapansin ang alok ko. Ayaw mo namang
dumungaw sa bintana para naman makita mo ang dati kong palaruan -
ang dating masayang palaruan. Masaya noon, noong nabubuksan ko pa
ang pinto ng silid na ito. Alam mo 'yun hindi ba? Pero hindi kita
yayayain ngayon, hindi maganda ang hugis ng mga ulap. Mukhang uulan.
Tapos na ang pagwawalis sa labas. Natapos na rin ang nakaririnding
tunog ng pagkaskas ng walis tingting sa lupa. Tahimik na ang paligid.
Tayo naman ang mag-ingay. Kinantahan kita, malakas. Naglaro tayo ng
habulan. Pero hindi mo naman ako hinahabol. Kiniliti kita, pero nakangiti
ka lang. Napapagod ako.
Unti-unting umihip ang hangin sa aking kuwarto. Walang magawa ang
mga kurtina. Napakagandang pagmasdan, para silang mga anghel na nakasabit
sa aking bintana. Natuwa ako. Nakita ko rin sa mga mata mong natutuwa
ka rin. Parang naramdaman mo rin ang nasa loob ko Salamat naman.
Hindi pa pala ako nagmumumog. Hindi pa ako nakakapagmuta. Hindi pa
rin ako nag-aalmusal. Pareho tayo. Pero hindi ko alam kung nagugutom
ka na rin tulad ko. Darating ang araw, wala nang magugutom, maniwala
ka sa akin. Wala nang magkakasakit, mabubuhay tayo nang maligaya sa
paraiso rito sa lupa. Maniwala ka lang, maliligtas ka sa takdang oras.
Nasisisira ang pagkakalapat ng pinto sa hamba. May papasok. Mag-uumpisa
na ang araw natin. Salubungin mo kaya. Aalalayan kita. Dito ka sa
tapat ng pinto. Nabangga ka ng pumasok. Natumba ka. Sumigaw ka, rinig
ko. Pero hindi ko nahuli ang reaksyon ng mukha mo. Hindi kita nasalo.
Nabasag ka. Dumami tayo. Ang mukha mo'y naghiwa-hiwalay, ang katawan
nati'y hindi na iisa. Wala ka na. Hindi mo na nahintay ang oras ng
kaligtasan. Bukas na 'yun, ayaw mo kasing maniwala.