NAKAKAPAGTAKA'T NAKAKATAWA pero may isang panahon sa kasasayan
ng daigdig na hindi kinakain ng mga tao ang kamatis dahil ito raw
ay may lason. Minsan, pinaniwalaang patag ang mundo at matagal bago
tinanggap ng mga pantas na ang araw ang nasa gitna ng sangkalawakan.
Sapagkat bata pa ang siyensya noon, mapapatawad pa ang balikong pag-iisip
ng tao. Hindi ba't walang katapusang proseso ng pag-unlad ang paglinang
ng kaalaman?
Heto ang ating paglingon sa nakaraan, paano kaya tayo huhusgahan
ng hinaharap? Isa o dalawang daang taon mula ngayon, anong banal na
katotohanan ng ating panahon ang pagtatawanan o ikakagulat ng mga
susunod na henerasyon?
Huwag sana nilang maalala ang taong 2004 at baka tuluyan tayong mawalan
ng dignidad sa nag-aakusang mata ng kasaysayan.
Halimbawa, paano natin ipapaliwanag ang pahayag ng maraming sibikong
organisasyon at ng militar na mapayapa at malinis ang nakaraang halalan
sa kabila ng mahigit isang daang patay at malawakang ebidensiya ng
pandaraya? Tila ang sukatan natin kung ano ang mapayapa't malinis
ay hindi umaakma kahit sa ipinagmamalaking naabot ng ating sibilisasyon.
Para sa akin, ang mahigit isang daang kataong pinaslang ay signos
ng malalang karahasan na kinatangian ng katatapos na halalan. Nakakainsulto
ang pamantayan ng pamahalaan kung ano ba ang isang magulong eleksiyon.
Dapat bang limang daan o isang libo ang mamatay para aminin natin
sa ating mga sarili na ang sopistikadong paraan ng ating pagpapalit
ng mga lider upang makumbinsi ang buong mundo na may demokrasya sa
ating bansa ay hindi puwedeng matapos nang walang dinudukot, tinatakot,
sinusunog at
pinapaslang?
At kahit lima lamang ang nasawi sa panahon ng halalan, hindi puwedeng
ipagbunyi ang pagiging "mapayapa" ng eleksiyon dahil ang
pagpaslang ng tao ay kabaliktaran ng diwa ng isang proseso na may
layong maglingkod sa kapwa.
Hinihiling kong mag-summer bridge program ang Comelec, Namfrel at
Kongreso sa math at science dahil sa kanilang katusuha't kabagalan
sa pagbibilang ng boto at sa pag-awit ng sintunadong awitin na walang
nangyaring malawakang pandaraya sa halalan. Mayroon lamang daw mga
hiwalay na kaso ng dayaan sa iilang mga munisipyo pero di naman daw
ito nakita sa pambansang antas. Subalit ang kredibilidad mismo ng
resulta sa pambansang halalan ay magiging kahina-hinala kung nanggaling
ito sa isang dinayang proseso sa ibaba.
Walang maipapangalan sa pagkawala ng pangalan ng maraming botante
sa mga presinto kundi pandaraya. Ang pagbili ng boto, paggamit ng
pera ng bayan para sa pansariling interes ng mga kandidato, pagmamaniobra
sa media, pakikialam at pandarahas ng militar, dinuktor na mga election
return at ang pinabagal na mabagal na pagbilang ng boto ay iba't ibang
tipo ng pandaraya.
Ano ang isasagot natin sa ating mga apo kung tatanungin nila kung
bakit may mga nag-isip sa atin na dayain ang resulta ng halalan huwag
lamang manalo ang isang artistang walang pinag-aralan? Marahil, isusumbat
din nila ang sagad-sagaring pagkahumaling natin sa mga survey at sinasalang
impormasyon ng media. Baka tawagin nilang karnabal ng mga payaso ang
ating demokrasya dahil sa kalidad ng ating mga kandidato't opisyal
ng pamahalaan.
Isang siglo na tayong may eleksiyon. Tatlong Edsa na ang lumipas.
Pero ang halalan natin ay pang-Ripley's pa rin. Nakakatakot ang iisipin
sa atin ng mga tao sa hinaharap.