ANG PAGSAPIT ng Araw ng Kasarinlan (Hunyo 12) ay lagi nang
isang angkop na pagkakataon upang pagnilayan ng lahat ang tungkol
sa mga bayani. Wala namang bansang nagkamit ng kasarinlan kundi dahil
sa pagkarami-raming bayani nitong nakipaglaban sa mga mananakop--may
pangalan man sa mga aklat ng kasaysayan o wala.
Ngunit ano nga ba ang isang bayani? Mahalagang malaman ito sapagkat
kung mayroon mang salita sa wika natin na lubha nang kahabag-habang
dahil sa dami ng pagkakataong sinalaula ang katuturan nito, ito'y
ang salitang "bayani."
Kung isasalin sa Pilipino ang ilang taludtod mula kay Jose Maria
Sison, ganito ang lalabas na kahulugan niya ng kabayanihan: "May
bayaning namamatay sa larangan./May bayaning namamatay sa gutom at
sakit./May bayaning namamatay sa kung anong sakuna./May bayaning namamatay
sa katandaan.
"Anuman ang paraan ng pagkamatay,/May iisang nagdurugtong na
sinulid:/Ang bayani'y naglilingkod sa madla/Hanggang sa kahuli-hulihang
hininga."
Sa isang diksiyunaryo, ganito naman ang isinasaad na katuturan ng
kabayanihan: "Ang paggawa ng matayog na bagay kasakdalang magdulot
ng malaking pasakit sa sarili."
Bagama't sa biglang tingi'y tila magkalayo ang dalawang pagpapakahulugang
ito, kung susuriin namang mabuti'y magkaugnay pa nga ang mga ito.
Hindi ba't napakatayog na bagay ang maglingkod sa bayan o sa sangkatauhan
"hanggang sa kahuli-hulihang hininga," at hindi ba't madalas
itong magdulot ng malaking pasakit sa sarili?
Ngunit napakarami ngang pagkakataong nabaluktot na sa ating bokabularyo
ang kahulugan ng kabayanihan. Makapagbabanggit dito ng ilang halimbawa.
Basta't dating sundalo'y inililibing sa Libingan ng mga Bayani. Ngunit
ilan bang sundalo ang nagpahirap o pumaslang sa mga kababayan nating
walang "kasalanan" kundi ipaglaban ang karapatang mamuhay
bilang mga tao?
Muntik pang mailibing doon ang dating diktador na si Ferdinand Marcos,
na hindi lang isang diktador kundi isa ring mandarambong--dahil lamang
sa siya'y isang dating sundalo. (Isang sundalong noong panahon ng
digmaan laban sa Hapon ay lagi't laging may palusot upang huwag sumabak
sa sagupaan, ayon kay Charles MacDougald.)
Sa ating mga aklat ng "kasaysayan," madalas tawaging isang
"bayani" si Pedro A. Paterno, ang dakilang abugadong nakipagnegosasyon
sa mga Katipunero, para sa pamahalaang Kastila, sa Kasunduan ng Biak-Na-Bato.
Ang naturang kasundua'y nagtadhana ng pagtitigil-putukang nakabatay
sa pagkilala ng mga Katipunero sa patuloy na paghahari ng Espanya
sa Pilipinas.
Si Emilio Aguinaldo, na naging lider ng Katipunan matapos na ang
orihinal nitong pinunong si Andres Bonifacio ay paslangin ng mga dugong-bughaw
ng Cavite--ay tumanggap sa Kasunduan ng Biak-Na-Bato at pumayag na
siya at ilan pang lider-lideran ng Katipunan ay lumikas patungong
Hong Kong kapalit ng 400,000--at muli na lamang pinamunuan ang himagsikan
nang may "tulong" nang iniaalok ang Estados Unidos--na magiging
mananakop din ngunit kikilalanin din niya.
Kamakailan nga lamang--nito lamang nagdaang panahon ng kampanya sa
eleksiyon--ay nasaksihan natin kung paano lapastanganin nang walang
pakundangan ang salitang "bayani."
Isang saksakan-ng-talinong komedyante ang buong giting na nagsabi,
sa isang pampulitikang patalastas, na ang sinumang boboto sa kandidato
sa panguluhan na kanyang inieendorso ay isang bayani. Lingid--o sadya
niyang inilingid--sa kanyang walang kasintalas na isip na ang kandidatong
kanyang inieendorso ay may nagdudumilat na kasaysayan ng paglusaw
sa soberanya ng bansa, pagwawalang-bahala sa kabuhayan at mga karapatan
ng mga karaniwang mamamayan, at pakikipagkumpromiso sa mga mandarambong
at pusakal.
Huwag nating hayaang tuluyang mapariwara ang kahulugan ng salitang
"bayani."