NAGBABALIK ANG Tinig.com matapos ang halos pitong buwang pagkakatulog.
Sari-sari ang mga dahilan ng mahabang pagkawala ng Tinig.com: bukod
sa teknikal ay nariyan din ang pagkakaabala ng ilang kasapi ng patnugutan
sa mga gawaing humihingi ng mahabang oras. Ngunit ang higit na mahalaga'y
nagbabalik nga ang Tinig.com, at tamang-tama sa isang mahalagang panahon
sa buhay ng ating bansa.
Mapapansin ninyong manipis lamang ang isyung ito ng Tinig.com kung
ihahambing sa karaniwang isyu nito. Madalian ang naging kapasyahang
muling paandarin ang ating website, at may hinahabol ding mahahalagang
pangyayaring inaasahan gaya ng nalalaman natin. Inaasahan naming ang
pagkakasapul ng isyung ito sa mahahalagang usapin ng bahaging ito
ng taon ay sapat na upang sa ngayo'y mapunan ang kanipisan ng isyung
inihahanda namin.
Sa susunod na lamang kami higit na babawi.
Sadya naming inuna sa isyung ito ang isang ispesyal na seksiyon tungkol
sa kamakailan lamang ay namatay na Pambansang Alagad ng Sining na
si Nick Joaquin--nobelista't kuwentista, mandudula, mamamahayag, istoryador,
mananalambuhay, at makata--isang Pilipinong sa mahahalagang yugto
ng ating kasaysayan ay hindi nakuntentong manood lamang sa ligtas
na tabi. Tahasan kaming naninindigang higit na mahalaga ang ganyang
tao kaysa sa karamihan sa mga kumakandidato sa eleksiyong ito.
Ngunit hindi ito nangangahulugang isinasantabi na namin ang eleksiyon.
Bagama't batay sa kasaysaya'y masasabing hindi talagang ang sambayanang
Pilipino ang may huling baraha sa eleksiyon, at lagi't laging iilan
lamang ang nananalong kandidatong talagang nararapat dahil sa samu't
saring maniobra ng mga puwersang panlabas at panloob, mahalagang pagkakataon
ang panahon ng halalan upang higit na pag-aralan ang kalagayan ng
ating bansa at maunawaan kung ano ang kailangang gawin upang mabago
ito. May ilan ditong artikulo tungkol sa nalalapit na eleksiyon, lalo
na hinggil sa mga plataporma ng mga kandidato sa pagkapangulo (kung
mayroon mang matatawag na plataporma at hindi paltosporma).
Samantala'y narito pa rin ang ilang artikulo tungkol sa iba pang
isyung bahagi rin ng buhay nating mga kabataan. Nariyan, halimbawa,
ang ilang artikulo tungkol sa wikang Pilipino at sa pagtitiwala sa
sarili. Nariyan pa rin siyempre ang mga tula at maikling kuwento.
Maibigan sana ninyo ang mga putaheng inihanda ng Tinig.com!
ALEXANDER MARTIN REMOLLINO
Kapatnugot, Tinig.com