TULA
Maglabas Ka Na Lamang ng Bagong Diksiyunaryo

(Alay sa isang komedyanteng sa isang pampulitikang patalastas ay nagmamarunong tungkol sa kahulugan ng kabayanihan)

Maglabas ka na lamang ng bagong diksiyunaryo:
doo'y iyong igawa ng ibang salita
ang sinasabi mong tunay na kahulugan
ng kabayanihan.
Ayaw naming kulapulan ng kahulugang iyan
ang isang salitang natutunan na naming itumbas
sa mga taong ang bawat tibok ng puso
ay awit ng paglilingkod sa kapwa,
sa mga taong ang kapwa'y kinalinga
hanggang sa huling hininga.
Bumabaligtad ang aming mga sikmura
sa ideyang isang bayani
ang sinumang yayakap sa pinunong
kapalit ng kapangyariha'y
ipinalaklak ang dangal ng bayan
sa baboy-ramong dayo
at sa mga maharlikang bulati sa puwit nito.

Maglabas ka na lamang ng bagong diksiyunaryo.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2004 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan