MALINAW ANG layunin ng pagtuturo ng Filipino sa mga paaralan--kailangang
matutunan ng bawat estudyanteng Pilipino ang wikang Filipino dahil
kasangkapan niya ito sa pakikipagkomunikasyong sosyal at inter-personal
at vehikulo sa pagkatuto ng mga disiplinang itinuturo sa wikang Filipino.
Pinatutunayan ng mga sarvey ng Social Weather Station at ng Ateneo
de Manila University noong 1990 na higit nang laganap sa bansa ang
wikang Filipino. Higit sa 92% na ng mga mamamayan ang nakauunawa ng
wikang Filipino; 88% ang nakababasa nito; 83% ang nakapagsasalita
at 82% ang nakasusulat. Malaking porsyento ng populasyong ito ay mga
kabataan na ang karamihan sa kanila ay nasa mga paaralan.
Samantala, binigyang-diin naman sa mga pag-aaral nina Lambert at
Tucker (1972) na binanggit ni Crandall (1987) na nalilinang sa mga
mag-aaral ang mga kasanayang pangwika kasabay ng pagtatamo ng mga
kasanayang akademik.
Dahil ang wikang Filipino ang pinakamalapit, kung hindi man siyang
unang wika ng maraming Pilipino, malaki ang papel na ginagampanan
nito sa pagtatamo ng mga mag-aaral ng kognitivo-akademikong kasanayang
pangwika. Ito ay dahil sa naniniwala ang maraming eksperto na kapag
nabigyan ang mag-aaral ng mahusay na edukasyon sa unang wika o sa
wikang higit niyang alam, mabibigyan ang mag-aaral ng kognitivo-akademikong
kasanayan (CALP) na magagamit niya sa pag-aaral at pagtalakay ng mga
mahihirap o abstraktong kaisipan. Mangyari pa, kapag matatag ang fundasyon
ng mag-aaral sa kanyang unang wika, mabilis at mabisang matututo ang
mag-aaral ng pangalawang wika.
Ang pagbibigay-halaga sa wikang Filipino bilang fundasyon ng literasi
para sa mga kabataang Pilipino ay hindi nangangahulugan ng pagbalewala
o pagsasantabi sa Ingles. Hindi ganito ang iniaatas ng Parakarang
Edukasyong Bilingwal. Habang patuloy ang intelektwalisasyon ng Filipino
ay kailangan namang palakasin ang pagtuturo ng Ingles sa mga paaralan
sa pamamagitan ng paggamit ng efektivong mga estratehya sa pagtuturo.
Hindi maikakaila na kailangang matutunan ng mga estudyanteng Pilipino
ang wikang Ingles dahil ito ang magiging tulay nila sa pakikipag-ugnayang
internasyunal, at dahil ang karamihan pa rin sa mga kaalaman ay nasusulat
sa Ingles, hindi maitatatwang mahalagang kasangkapan ang wikang ito
upang magkaroon tayo ng akses sa pandaigdigang imformasyon sa panahong
ito ng globalisasyon.
Banggitin pa, sinasabing sa panahong ito ng globalisasyon, isinusulong
ang isang bagong lingwitikong kaayusan kung saan sabay-sabay na dinidivelop
ang pandaigdigang wika, pambansa o rehyunal na wika at lokal na wika.
Habang umiiral ang Ingles bilang pandaigdigang wika, dinidivelop din
ang pambansa o rehyunal na wika upang magsilbing lingua franca ng
magkakalapit na rehyon o bansa habang kasabay ding pinalalakas ang
lokal na wika. Samakatuwid may pandaigdigang wika tayo para sa pandaigdigang
interaksyon at may pambansa o rehyunal na wika tayo para sa mas rehyunal
o panlipunan o panloob na interaksyon na higit na tumutugon sa ating
mga batayang pangangailangan sa wika kasama na rito ang edukasyon.