SA PELIKULANG Milan ko huling napanood si Piolo Pascual, kasama siyempre
ang aking Lakambini. Kapag nababanggit ang artistang ito, naaalala
ko ang isa sa mga unang gimik namin--nanood kami, kasama ang mga kaibigan,
ng isang pelikulang bida si Piolo. Pero mula ngayon, kapag mababanggit
si Piolo Pascual, maalala ko na rin ang isa sa mga pangarap namin
ng aking Lakambini,
at malamang ay mithiin din ninyong lahat: ang pagbangon ng bansang
Pilipinas.
Malabo ba? Teka, explain ko. Kahapon kasi, nagsalita si Piolo sa
malaking campaign rally ni Bro.
Eddie Villanueva sa Luneta. Ginawa raw niya 'yun dahil may takot
siya sa Diyos at naniniwala siyang kailangan na natin ng bagong gobyerno.
Di nga kasi, talagang kritikal na ang kalagayan ni Inang Bayan. Nalulunod
na siya sa kumunoy ng kahirapan at katiwalian. Patuloy pa itong lumala
dahil sa halip na maghanap ng mga solusyon, busy ang kasalukuyang
pamunuan sa pag-iintindi ng sarili nilang kinabukasang pulitikal.
Marami tuloy sa ating mga kababayan ang naduruwag at lumilisan.
Sa gitna ng lahat ng ito, isang tao ang naglakas-loob na ialay ang
sarili bilang lider na mangunguna sa pagbangon ng ating bayan.
Gaya ng marami, natawa at nagulat din ako nang magpahayag ng interes
na kumandidato si Bro. Eddie Villanueva ng Bangon
Pilipinas Party. Akala ko nga, nuisance candidate rin siya. Eh
ano kung iniyakan ni Gloria ang pagbawi ng suporta ng lider na ito
ng Jesus Is Lord Church?
Pero matapos kilatisin at kilalanin ang lahat ng mga kandidato sa
pagkapangulo, unti-unti kong nakitang tulad ni Raul
Roco, seryoso at napaka-qualified palang maging pangulo si Bro.
Eddie.
Bilang isang lider ng Kabataang
Makabayan sa Bulacan, walang takot niyang ipinaglaban ang karapatan
ng mga mahihirap. Isa siya sa mga nanindigan laban sa mapaniil na
batas militar. Hindi na nga niya natapos ang abogasya rito sa UP
dahil nakorner siya ng militar.
Sinabi ni Jose Maria
Sison sa isang panayam sa telepono na si Bro. Eddie ay isang mabuting
kadre. Kahit daw wala na sa kilusan, nanatili siyang tumutulong sa
mga kaibigang aktibista.
Sa bandang huli, nakumpleto ang isang ideyal na landas ng pakikibaka
at pagsamba nang si Bro. Eddie ay maging lider ng ngayo'y malawak
na JIL Church. Kung paanong naniniwala ako na ang kinabibilangan kong
simbahan, ang Simbahang Katoliko, ay ginabayan at ginagabayan ni Bathala
sa loob ng may dalawang libong taon nitong pag-iral sa kabila ng maraming
pagkakamali ng ilang lider at mga kasapi nito, naniniwala rin ako
na hindi magtatagumpay ang kongregasyon ni Bro. Eddie kung wala itong
basbas ng Maykapal.
Sa kabila ng kanyang pagiging spiritual leader, walang balak si Bro.
Eddie na labagin ang constitutional provision ng paghihiwalay ng estado
at ng simbahan. Di gaya ni Gloria Arroyo na nadidiktahan ng simbahan
sa isyu ng death penalty at contraceptives, pero deadma naman sa pakiusap
ng Papa sa Roma sa isyu ng gyera sa Iraq, si Bro. Eddie ay may malayang
pag-iisip. Kaya nga sinusuportahan siya hindi lamang ng mga born-again
Christians gaya nina Piolo
Pascual at Donita
Rose, kundi pati ng mga Katolikong gaya ko at ng mga Muslim.
National moral transformation ang pangunahin sa plataporma ni Bro.
Eddie. Mabigat na hamon ito na hindi basta-basta matutugunan ng mga
pulitikong may mga interes na kailangang protektahan. Kailangan dito
ang leadership by example. Naniniwala ako, kasama ang aking lakambini,
na magagampanan ito ni Bro. Eddie Villaneva.
Hindi ako si Piolo Pascual, pero pareho kami ng tipong presidente:
isang taong may banal na takot sa Diyos.
Ako ay para sa isang maka-Diyos at makabayang pamahalaan. Ako ay
para kay Bro. Eddie Villanueva.