Habang sinusulat ito (Mayo 7), may nalalabi na lamang na tatlong
araw bago maganap ang eleksiyong pampanguluhan. Lima ang kumakandidato
sa pagkapangulo ng republikang itong tinawag na "mapanglaw"
ng makata sa Ingles na si Eric Gamalinda: sina Gloria Macapagal-Arroyo,
Fernando Poe, Jr., Panfilo Lacson, Raul Roco, at Eddie Villanueva.
Bawat isa sa kanila'y nagsasabing siya at walang iba ang karapat-dapat
na maging susunod na okupante ng Malacañang. Subalit sino sa
kanila ang talagang karapat-dapat?
Noong 1957 ay may isang henyong makabansang estadistang tumakbo sa
pagkapangulo. Ito'y si Claro M. Recto--senador na noon, bukod pa sa
pagiging abugado, makata, mandudula, at mananalumpati. Dangan nga
lamang at hindi siya nanalo sapagkat sa kanyang panunungkulan bilang
opisyal publiko ay may nasagasaan siyang makapangyarihang mga interes,
na kumilos laban sa kanya sa pamamagitan ng sopistikadong pagdungis
sa kanyang pangalan. Gumana ito at siya niyang ikinatalo sa nasabing
eleksiyon.
Naging kongresista si Recto sa ilalim ng pamahalaang Komonwelt ni
Manuel L. Quezon. Bilang Kinatawan ng Batangas sa Kapulungang Pilipino,
nakasama si Recto sa mga misyong pangkasarinlan sa Estados Unidos.
Noong 1933, naiuwi nina Sergio Osmeña at Manuel Roxas mula
sa isa sa mga misyong pangkasarinlan ang Batas Hare-Hawes-Cutting.
Diumano'y isa itong pangkasarinlang batas, datapwat itinadhana nitong
sa loob ng sampung taon mula sa pagpapatupad ng naturang batas ay
sasaklawan ng pangulo ng Estados Unidos ang sistema sa pananalapi
at ang ugnayang panlabas, ang mga produktong Amerikano ay malayang
makapapasok sa Pilipinas habang ang mga iluluwas ng Pilipinas sa Estados
Unidos ay papatawan ng mga restriksiyon, at ang Estados Unidos ay
makagagamit ng lupa ng Pilipinas ukol sa mga "reserbasyong militar
at iba pa."
Halos isumpa ni Don Claro sina Osmeña at Roxas dahil dito.
Ang Batas Hare-Hawes-Cutting ay tinawag niyang isang "obra maestra
ng kolonyalismo" at sinabi niyang pinahihintulutan nito ang "buo
at walang hanggang pananalasa" ng Estados Unidos sa ating ekonomiya,
ang "habang panahong panghihimasok sa pagsasakatuparan ng ating
soberanya," at "ang pagkalusaw ng ating pambansang pamana
kahit na maipahayag na ang kasarinlan."
Ibinasura ng Lehislatura ang Batas Hare-Hawes-Cutting at si Quezon
ay naatasang pamunuan ang isang panibagong misyong pangkasarinlan.
Ang Batas Tydings-McDuffie na naiuwi ni Quezon mula sa nasabing misyon
ay tinangkilik ni Don Claro, bagama't sa pangkalahata'y wala namang
ipinagkaiba ito sa Batas Hare-Hawes-Cutting liban sa pagtatadhana
nito ng pagtatatag at pagpapairal ng isang pamahalaang komonwelt sa
loob ng sampung taon mula sa pagpapatupad nito bago ipahayag ang kasarinlan.
Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay kinasuhan siya ng pakikipagsabwatan
sa mga Hapones. Tinanggihan niya ang amnestiyang alok ng noo'y Pangulong
Roxas at sa Hukumang-Bayan ay kanyang ipinagtanggol ang sarili. Ipinaliwanag
niyang ang kanyang paglilingkod sa pamahalaang tinangkilik ng mga
Hapones ay sa layuning makatulong upang kahit paano'y maibsan ang
pinsalang dulot ng pananakop ng mga Hapones sa bansa. Naipagwagi niya
ang usapin.
Noong 1946, nanguna si Recto sa pagtutol sa Amyendang Parity sa Saligang
Batas, na hiningi ng Estados Unidos bilang kapalit ng bayad-pinsalang
pandigmaan. Sinabi niyang ito'y magpapahintulot sa paghahari ng mga
dambuhalang korporasyong Amerikano sa ating ekonomiya, bagay na aniya'y
walang buting idudulot sapagkat ang kikitain ng mga ito'y lalabas
lang nang lalabas ng bansa sa halip na magamit upang paunlarin ang
ekonomiya.
Ipinaglaban ni Recto ang makabansang pag-iindustriya. Aniya, kung
isasaalang-alang ang lawak ng ating mga yamang-bansa, walang alinlangang
kakayanin natin ang magtatag ng mga pambansang industriya. Sa ilalim
ng isang programa ng makabansang pag-iindustriya, ayon kay Recto,
makalalalang tayo ng sarili nating mga kalakal sa halip ng walang
patumanggang pag-aangkat, at ang ating kapital ay di na lalabas nang
lalabas ng bansa.
Naging tagapagsulong din siya ng malayang pakikipag-ugnayang panlabas.
Dapat daw na nakabatay ang ugnayang panlabas sa ikabubuti ng bansa
at hindi sa kapakinabangan ng Estados Unidos. Kaugnay nito, mariin
niyang tinutulan ang pananatili ng mga base militar ng Estados Unidos
sa Pilipinas. Nagbabala siyang sa pamamagitan nito'y di malayong masangkot
ang Pilipinas sa mga digmaan kung saan wala itong kinalaman dahil
maaari itong gamiting lunsaran ng mga puwersang sasalakay sa kung
aling bansang Asyano. Nagkatotoo naman ang kanyang hinala sapagkat
noong mga dekada 1960 at 1970, marami sa mga pananalakay ng Estados
Unidos sa mga bansang Biyetnam, Laos, at iba pa ay inilunsad mula
sa Subic at Clark. Naging kaaway natin sa gayon ang mga bansang hindi
natin kinailangang makaaway.
Pinakamadaling nagugunita si Recto sa kanyang pag-akda, bilang senador,
ng Batas Rizal, na nagtatadhanang ipababasa sa lahat ng mga Pilipinong
mag-aaral ang talambuhay at mga akda ni Dr. Jose Rizal na noon pa'y
siya nang pambansang bayani, bilang pagkilala at pagsulong sa kanyang
diwang makabansa.
Lumaban nga sa halalang pampanguluhan si Recto noong 1957 ngunit
natalo. Datapwat di roon nagwakas ang makabansang pakikipaglaban ni
Don Claro. Sa mga pahayagan, sa mga paaralan, at sa iba't ibang mga
pagtitipon ay patuloy niyang isinulong ang diwang makabansa hanggang
sa huling araw ng kanyang buhay.
Isa ring masugid na tagapagtanggol ng demokrasya si Recto. Bilang
tagapangulo ng Kumbensiyong Konstitusyonal ng 1934, malaki ang papel
niya sa paglalatag doon ng mga probisyong nangangalaga sa mga kalayaang
sibil.
Kung may masasabi mang naging kakulangan ni Recto, iyo'y ang kanyang
hindi pagkakakilala sa kahalagahan ng repormang agraryo at ang naging
pagtingin niya sa mga dayuhang institusyong multilateral tulad ng
International Monetary Fund at World Bank o IMF-WB.
Hindi nakilala ni Recto na bago maisagawa ang makabansang industriyalisasyon
ay dapat na munang pabutihin ang kabuhayan ng mga magsasaka, sa pamamagitan
ng totohanang repormang agraryo--yaong repormang agraryong titiyak
na lubusang pakikinabangan ng mga mnagbubungkal ng lupa ang kanilang
mga ani. Mahalaga ito sapagkat bilang pinakamalaking uri sa kasalukuyang
kaayusang panlipunan sa Pilipinas, ang mga magsasaka ang magsisilbing
pinakagulugod ng programang pang-industriyalisasyon bilang pinakamalaking
seksiyon sa sektor ng mga konsiyumer.
Nanawagan din si Recto para sa mga pautang mula sa IMF-WB na gagamitin
sa pagsasagawa ng makabansang industriyalisasyon. Hindi siya nagkaroon
ng sapat na panahon--bata-bata pa lamang noong panahon niya ang Kambal
ng Bretton Woods--at hindi niya nahulaang magiging kasangkapan ang
mga ito upang palakasin ang pagkakasakal ng mga dayuhang kapitalista,
lalo na ng mga multinasyunal na korporasyon ng Estados Unidos, sa
ating ekonomiya tulad din ng sinapit ng mga bansang Mehiko at Argentina.
Datapwat sa kabuuan, si Claro M. Recto ay isang tunay na kapuri-puring
estadista: makabansa at masugid na tagapagtanggol ng kalayaang sibil.
Dahil sa kanyang pambihirang talino at masikhay na pag-aaral sa mga
pangangailangan ng bansa, tiyak na kung mahigpit nang hiningi ng mga
pagkakataon ay malalim niyang mauunawaan ang kakulangan ng kanyang
naging mga pagtingin sa mga usapin ng repormang agraryo at dayuhang
pautang. Kung naging pangulo sana siya, napakalaki ng kanyang magagawa
upang paunlarin ang bansa.
Sa pagkakaroon ng ganitong kumbinasyon ng mga katangian, walang kapantay
si Claro M. Recto sa lahat ng kumandidato sa pagkapresidente ng ating
bansa--nauna man sa kanya o sumunod sa kanya. Dahil sa kanyang mataas
na kakayahan at kahandaang tugunan ang mga pangangailangan ng bansa,
siya lamang--sa lahat ng kumandidato sa pagkapresidente ng Pilipinas--ang
may karapatang maging presidente ng bansa, sapagkat siya lamang sa
kanilang lahat ang may ganitong katangian.
Kung kaya naman lubhang nararapat na isipin natin si Claro M. Recto
bago natin sulatan sa balota ang espasyong nakalaan sa pangalan ng
pipiliin nating maging susunod na pangulo. Siya ang dapat na maging
sukatan ng sinumang kandidato sa pagkapangulo. Kung walang makapapasa
sa mga pamantayan, makabubuti pang huwag nang bumoto ng sinuman sa
mga kandidato sa panguluhan. Ganoon din naman iyon.