TULA
Damaso Rising

Sa harap ng altar, kung tingnan ay sagrado
Ngunit 'pag labas, isa ring barumbado.
Sa pulpito, pahayag ay banal na salita
Ngunit sa labas, sambit na'y puro mura.

Sa isang oras, nakayuko kanyang ulo
Pagkatapos 'yon, maglalakad ng taas noo.
Pag bihis pari, animo'y sobrang bait
Pagsapit sa labas, ubod pala ng sungit.

Matapos ang misa, bukas palad magpamano
Ngunit hingan mo ng tulong, mga kamay ay sarado.
Ang galing mangaral sa mga parokyano
Pero sa ibang araw, daig pa ang sanggano.

Wala nang tatalo pa sa pagbabalat kayo
Kasama ng mga tupa nakamaskarang lobo.
Kung ganitong parati, di kataka-taka
Sa pagpanhik sa langit, nauuna pa ang puta!

---------------

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan