TULA
Window Shopping

Ulit-ulit ang kanyang suot, isang puting de-kwelyong
may nakasulat na Chicken SOOO Good! sa dibdib
at ang kanyang mukha'y tila ba isa sa mga bagay na dinaanan
lamang ng mata, minsan sa isang napulot na flyer.
Araw-araw sa loob ng magdadalawang taon,
Nakikita ko siyang nakaupo
sa tapat ng stainless steel na basurahan
hawak ang isang malaking plastic cup ng iced coffee.
Pareho kami ng gawain, ang pumatay
ng oras nang walang tiyak na ginagawa
lamang ay nakaupo siya at ako nama'y naglalakad,
ang kanyang hawak ay iced coffee
at ang akin ay mga librong
hiniram sa Library. (Sapat na sapat lang
ang pera ko na pamasahe.) Minsang nagwi-window shopping
nakita kong ginapang ng apoy ang kisame ng Mall,
marahan sa simula hanggang rumahas at nandakma
na parang manyak na bulag.
Nagtakbuhan ang mga customer dala ang kanilang napamili
at ang kung ano pang maaaring bitibitin
ng kanilang mga balikat. Hinanap ko siya
habang nagkakagulo ang buong mundo
sa biyayang sakuna ng 100% discount on all items.
Sa tapat ng basurahan ko siya natagpuan.
Tinitigan niya ako at inabot sa akin ang hawak na plastic cup.
Tumanggi ako at lumayo. Naglaho
Ang nailigtas kong pulang sneakers bago pa ako makalabas
ng Mall. Halos dalawang taon
ng mga hapon din inyong ginugol naming sa kanyang pag-upo,
sa aking paglakad, sa pagtitig at pag-inom.
Wala na siya sa tapat ng basurahan at mga anino na lang
ang naglalamierda sa aking isip.
Dagsa-dagsa ang mga tao, overloaded na hawla itong Mall.
Paikot-ikot ang hindi mapagtagpong pagnanasa
sa kumbulsyon ng Midnight Maadness,
Opening Sale, Anniversary Sale, Closing Sale,
buy one, free special gift offer
take one, everything has to go.
Binibingkis ang bawat cash registry,
ang bawat stall, ang bawat aisle,
ang bawat thank-you-for-shopping-ma'am-sir
ng kanya-kanyang pag-iisa.
Kaninang magtatakipsilim na siksikan ang bus,
halos hindi ako makahinga sa dami ng mga taong
pauwi mula sa Mall, patungo sa ibang Mall,
patungo sa kungsaan,
naalala ko ang Chicken SOOO Good!
na nakaburda sa kanyang dibdib at malikmatang
nakita ko siyang nakatayo
sa kabilang panig ng salamin ng aking gumegewang na bus,
parang mannequin
na nag-aabang ng buhay
sa isang absurdong window display.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan