TULA AT SANAYSAY
Ako ay Pilipino?

ISANG POPULAR na kataga ang maririnig mo sa mga Pilipino ay ang "Ako ay Pilipino."

Sa totoo lang,hindi ko alam kung ano talaga ang ibig sabihin ng mga kababayan ko kapag sinasabi nila ang mga katagang ito. Mayabang pa nga tayo dahil ilang beses nang tiningala ang lahing Pilipino sa buong mundo kung kasaysayan ang pag-uusapan. nakakatuwa sapagkat naalala ko pa noong elementarya pa lang ako, palagi sinasabi ng titser ko na "Taas noo sa buong mundo, tayo ay Pilipino."

Subalit nasaan na ito ngayon?

Nasaan na ang dangal ng Pilipino?

Nasaan na ang mga nagsasabing "Ako ay Pilipino"?

Siguro alam na natin ang kasagutan sa mga katanungang ito. Hindi tayo bulag sa mga pangyayaring nasasaksihan natin araw-araw. Maraming mali ang nangyayari sa kapaligiran natin. Marami ang mga Pilipinong kailanman ay walang pagmamalasakit sa Pilipinas.

Maririnig mo sa mga kababayan mo araw-araw na gusto nilang umalis ng Pilipinas dahil walang buhay dito. Marami ang galit sa kapwa niya Pilpino. Maraming Pilipino ang ikinahihiya ang Pilipinas at nagsisisi kung bakit dito pa sila ipinanganak sa miserableng bansang ito.

Marami sa mga kababayan natin ang hindi kilala kahit na mga bayani natin. Mas pamilyar pa sila kina Mickey Mouse at Spider-Man. Mas marami ang naghangad na maging estado na lang tayo ng US. At isa pang masakit na nakikita ko ay nawawala na ang ating mga katutbong laro na nakamulatan ko noong bata pa ako. PC games na ngayon ang uso. hindi ko na narinig ang mga lumang awitin na gawa ng ating mga National Artists. Nawawala na ang ating tradisyon.

Sana sa susunod na henerasyon ay matuturuan natin ang mga kabataan na mahalin ang bayan natin kahit sa pamagitan lamang ng paggawa ng mga simpleng bagay tulad ng paglalaro kunwari ng sungka, sipa, o taguan.

Mali siguro ang obserbasyon ko na ito kaya itama nyo ako kung mali man ako. Nanghihinayang at natatakot lang kasi ako na balang araw ay itatanong sa akin ng anak o apo ko kung buong lakas at taas noo ko pa rin bang sabihin ang mga katagang "Ako ay Pilipino."

---------------
Si Hexel, 21, ng UP Diliman, ay estudyante habang buhay.

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan