IRONIC ANG buhay. Talagang mahirap intindihin. Posible talagang masaya
ka pero malungkot ka rin. Ito ang nararamdaman ko ngayon. Napakasaya
ko sa labas ngunit sa loob, kinukubkob ako ng lungkot. Nangyari ang
gusto kong mangyari pero pinagsisihan kong nangyari ito.
Sino ang hindi sasaya kung ang isang taong pinangarap mo lang ay
nasa harapan mo na ngayon? Kausap mo, ka-share mo sa iisang payong,
at katabi sa isang kakarag-karag na jeep. Ang taong pinag-ukulan mo
ng katakot-takot na piso para sa mga text message na puro ka-jologan
ang laman.
Heto siya, buhay na buhay sa harap ko; ang kanyang mga ngiti ay tagos
na tagos sa aking puso. Gusto ko nang lumubog sa kinauupuan ko sa
tuwing tumitingin siya sa akin nang diretso. Kung alam niya lang kung
gaano ko hiniling na huwag nang matapos ang gabing ito.
Ngunit kailangan kong bumalik sa realidad. Hindi ito ang buhay ko.
Ang gabing ito ay mananatiling isang panaginip lamang. Panaginip na
kailanma'y paulit-ulit kong babalikan. Ang sakit. Bakit kaya ang hilig
kong umasa kahit na alam kong wala talagang pag-asa? Nasanay na akong
saktan ang sarili ko sa pamamagitan ng mga false hopes.
Siya ay pangarap na ni minsan ay hindi ko na maaabot. Ang pangyayari
ngayonalam koay wala lang sa kanya. Ako, para sa kanya,
ay isang nilalang na nanggugulo sa buhay niya.
Ayan, nade-depress nanaman ako.
Naka-upo ako ngayon sa harap niya, habang nilalaro ang yelo sa aking
iced tea. Napalingon ako at nakita ang mga ilaw sa kahabaan ng Katipunan.
Ang mga ilaw ay sadyang may dalang lungkot. Ang pagpatak ng ulan ay
tila mga luha. Nakikisabay sila sa aking kalungkutan. Ninais ko nang
tapusin ang gabi dahil manhid na ako sa aking nararamdaman.
Hindi ko na malaman kung ano ang pagkakaiba ng lungkot at saya.
Habang palayo siya, naisip ko: "Ang saya! Pero sana hindi na
kita nakilala pa!"
Para sa 'yo na isang pangarap, salamat sa isang gabi ng kasiyahan
at kalungkutan...