BAGAMA'T HINDI hindi ito ang unang pagkakataon na ang isang politiko
ay nagsabing ang kanyang desisyon ay naayon sa mensahe na ipinarating
sa kanya ng diyos, hindi ko maiwasang madismaya sa gimik ng Malakanyang
nitong mga nakaraang araw. Di umano ay taimtim na nagdarasal ang pangulo
upang humingi ng gabay mula sa Diyos.
Ang pagtakbo ni Ate Glo bilang pangulo sa taong 2004 ay nakasalalay
sa mensaheng hinihintay niya mula langit?! Pero matatandaang noong
nakaraang taon nang kanyang ipahayag na wala na s'yang balak tumakbo
bilang pangulo ay kanya ring sinabi na ito ay naayon sa mensahe sa
kanya ng Diyos! "God was my adviser," wika pa nga niya.
Ayaw kong isipin na ang Diyos ay walang ibang ginagawa kundi subaybayan
ang papalubog na bangkang papel ni Ate Glo. Ayaw kong isipin na ang
Diyos ay pabagu-bago rin ng isip. Pero sino kaya ang diyos na tinutukoy
ni Ate Glo?
Ang diyos kayang tinutukoy ni Ate Glo ay siya ring diyos na sinasamba
ni Mayor Sanchez na ngayon ay nakakulong dahil sa panggagahasa? Kailan
kaya darating ang hinihintay na mensahe mula sa langit? Sa ika-18
ng Oktubre kaya ng taong ito, kasabay ng pagbisita ng pangulo ng Estados
Unidos? Hindi kaya ang Estados Unidos na ang itinuturing na diyos
ni Ate Glo kung kaya't ganun-ganon na lamang ang pagsuporta niya sa
gera ni Bush sa Afghanistan at Iraq? Ang gusto ba sabihin ni Ate Glo
ay kasiyahan ng Diyos na mamatay ang ilang libong inosenteng sibilyan
upang maisakatuparan lamang ang kagustuhan ng Estados Unidos na magkamal
ng malaking tubo sa langis mula sa Gitanang Silangan? Utos din kaya
ng diyos ni Ate Glo na paslangin ang mga lider at kasapi ng mga legal
na organisasyong masa tulad ng Bayan Muna? Nakakatakot ang diyos ni
Ate Glo!
Sa panahong laganap ang krisis ng kahirapan, natural lamang na magsulputan
ang iba't ibang klase ng relihiyon at iba't lider ng nito. Sapagkat
tayong mga Pilipino ay likas na relihiyoso, di na bago kung ito'y
gamitin ng mga ganid at gahamang politiko para lamang sa kani-kanilang
interes. Pero tayo naman ay matagal ng binalaan ng mga nakasulat sa
Bibliya: "Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta..."
Sa kasalukuyang konteksto ng ating lipunan, tayo ay binabalaan na
mag-ingat kay Ate Glo at sa itinuturing nitong Diyos.