KUNWARI, NASA isang lugar ka. Kunwari, naghihintay ka ng jeep. Eh
di nakapila ka. Tapos may tatlong babae sa likuran mo. Nagsasalita
sila (pinabayaan mo naman dahil karapatan nila yun). Eh ang kaso,
ang lalakas na nga ng boses nila, ganito pa sila mag-usap:
Babae #1: Gosh! I hope we'll make it to the movie!
Babae#2: Yah, you're so tama there! I make rinig na the movie daw
is maganda.
Babae #3: Me din! It's more nakakatakot daw than The Ring and The
Eye.
Babae:#1: Talaga.I'm so excited na, where na ba yung jeep?
Ikaw: Pwede ba, tumahimik kayo! (Na hindi mo naman talaga sasabihin
kasi edukado kang tao)
Aminin mo, pagka naipit ka sa ganitong sitwasyon, talagang mapapataas
ang kilay mo. O di kaya'y matatawa nang kaunti. Kasi, hindi sanay
ang Pilipino sa eksahiradong Taglish (pwera nalang kung laging nanonood
ang pilipinong iyon ng Morning Girls, Game KNB at The Buzz). Sanay
tayo sa purong Tagalog o purong English.
Nagtataka rin ako minsan. Bakit kaya ang hilig mag-English ng mga
tao sa Pilipinas?
Halimbawa na lang 'yung mga nilalang na lumalabas sa TV tuwing oras
ng balita. 'Yung mga politiko. Ang bilang ng pagsasalita nila sa Tagalog
ay wala pa sa kalahati ng porsyento ng pagsasalita nila sa English.
Nagtataka lang ako. Kung ako nga nawawalan ng ganang makinig pagka
ang ini-interview eh panay English ang banat, pano pa kaya 'yung mga
taong hindi talaga marunong ng salitang banyaga?
Presidente ng Pilipinas: "I now declare Martial Law!"
Manang na hindi marunong mag-English: "Huh? Ano raw?"
Bakit ba talaga kailangang mag English? Bakit hindi tayo makuntento
sa Filipino?
Global competitiveness?
Ito ang laging naririnig kong sagot. Oo nga naman. Minsan, tuwing
Miss Universe, pinupuna natin yung mga contestant na kapag tinatanong
sila, kelangan pa ng interpreter. Ang papasok kaagad sa utak natin:
"Ano ba 'yan, di marunong mag-English?" At naiisip natin
na kabawasan yun. Oo nga, naiintindihan ka nga ng buong mundo. Pero
nakakasigurado ka ba na naiintindihan ka ng bayan mo?
Halos lahat ng bansa dito sa buong mundo ay may kanya-kanyang wika
at watawat na maipagmamalaki. Yung sariling atin. Dahil sa wikang
ito, nagkakabuklod buklod ang mga tao. Dito tayo nagkakaroon ng pagkakaunawaan.
May kwento nga dyan eh.
Malapit na ang eleksyon sa isang probinsya. Syempre may pagpupulong
ala meeting de avance. Yung unang kakandidato, todo English! Nakakabighani
nga siya magsalita. Ang galing nya manghikayat. Pagkatapos ng speech
nya, nagpalakpakan yung iba. Yung pangalawa, ganun din. Mas magaling
lang ng bahagya yung una. Konti lang rin ang nagpalakpakan.
Yung pangatlo, isang mamang magsasaka. Hindi sya marunong mag English.
Tagalog lang ang binigkas nya. Kahit kakaunti lang ang sinabi nya,
sa kanya ang pinakamalakas na palakpakan.
Bakit? Kasi ang speech lang nya ang naintindihan ng madlang tao.
Ang pinakapunto ko lang eh hindi naman kasalanan ang magsalita ng
English at iba pang lenggwahe. Minsan nga nakakabuti ito dahil nagiging
sopistikado ang dating mo. Kung ako nga, nahihirapan ako sa purong
Tagalog at kahit minsan, hindi magsingit ng English sa artikulong
ito eh. Kasi dun tayo nasanay. Pero hindi iyon sapat na dahilan para
kalimutan natin ang kahalagahan ng ating sariling wika.
Kailangan nating matutunan na ang kaunlaran ay nagsisimula sa pagkakaisa
at pagkakaunawaan.
Kailangan nating mas pagyamanin pa ang ating wika.