MULA SA PATNUGOT
Celestial Catastrophes

MAY KAKAIBANG epekto ang pagpapakita ng Mars sa ating bansa.

Ito na lang ang pinakalohikal na paliwanag sa mga pinakahuling eksena sa bawat sulok ng Pilipinas. Sa telebisyon, pinauulanan tayo ng karnabal ng mga imahen-mga babaeng nababangasan ng mukha dahil sa pagsasayaw habang inihahagis-hagis sa ere, mga tricycle driver at construction worker na pinagsusuot ng lampin habang nagsasayaw ng otso-otso sa ibabaw ng malalaking bloke ng yelo, sa ilalim ng mainit na sikat ng araw, mga binata't dalagang ginagawang katatawanan ang anyo't kilos upang magawaran ng titulong "Sexbomb Sexygirl" o "Mr. Suave." Lahat ay sa ngalan ng ilang libong pisong premyo't ilang oras na aliw sa mga pamilyang nanonood sa kani-kanilang mga tahanan.

At sino pa kaya ang hindi nakababalita sa away-bati nina Kris at Joey? Sapaw na sapaw ang kaso ni Jose Pidal sa mga makabagbag-damdaming linyang tulad ng "hinawakan ko siya sa balls." Pagkalipas ng mga unos sa buhay ng isa sa ating mga pinakapaboritong public personality, bigla ring umulan ang kanyang mukha sa iba't ibang mga patalastas-mula sa whitening soap hanggang sa corned beef na may buo-buong karne ng baka, naging mas makulay ang buhay-artista ni Kristeta. May bago pang season ng kanyang game show, talagang next level na ang dating (mabuti pa siya, samantalang ang programa ni Joey kasama ni Raymart, nasibak at na-reformat). Talaga namang totoo ang sinabi ni Kris na "Hindi ako magpapa-tummy tuck…I will survive."

Pero showbiz yun, puwedeng palusutin, puwedeng palampasin dahil showbiz nga. E paano kung pati sa totoong buhay ay paulanan tayo ng kung anu-anong kawirdohan, mga penomenong mas enigmatic pa kesa sa pagsikat ng Meteor Garden, Meteor Rain at ng kung anu-ano pang Meteor na galing sa Taiwan at Hongkong?

Mars na lang ang sagot. Ang strategic na posisyon na lamang ng mga planeta ang makapagpapaliwanag kung bakit ang isang pangulong nangakong hindi na tatakbo uli sa nalalapit na eleksyon ay biglang nagbago ng desisyon sa harap ng madlang pinangakuan niya. Ang magkakaibang ritmo ng mga rotasyon at rebolusyon ng iba't ibang celestial bodies ang tanging makapagbibigay-saysay sa iba't ibang divine intervention na humuhugot sa gravitational pull ng Pilipinas sa mga tahanan at kabuhayan ng marami sa ating mga kababayan. Sa kasalukuyang planetary alignment na lang maaaring umasa ang pagiging rasyunal ng patuloy na disgrasyang dulot ng mga patayan at nakawan, patayan at nakawan sa napakaraming magkakaibang lebel.

At sa pagdating ng mistulang supernova event ng 2003, ang pagdating ni USA President George W. Bush sa Pilipinas ngayong Oktubre 18, ano kaya ang mga naglalaro-laro sa isip ng kabataan natin ngayon? Habang abala ang ilang mga organisasyon sa paghahanda ng engrandeng pagsalubong kay George, naghanda ang Tinig.com ng mga artikulong tumatalakay sa mga isyung kaugnay ng mga di-lohikal na pangyayaring nabanggit. Hindi lamang sa pagdating ni Bush kundi sa kabuuang kalagayan ng bansa sa kasalukuyan. Basahin natin ang iba't ibang mga pananaw, mungkahi at pala-palagay sa mga usap-usapang posibleng makaapekto sa hinaharap ng ating mga sarili at ng ating bansa.

Samantala, patuloy pa rin sa pagsirko ang mundo kasabay ng ating mga personal na pakikipagsapalaran sa pamilya, kaibigan, kakilala at di-kakilala. Makiusyoso tayo sa ilang mga artikulo, kuwento at tula ng mga ka-Tinig na nabighani ng hiwaga ng kalawakan sa iba't ibang malaki't maliit na paraan.

Ano kaya ang kapalarang ihahatid ng ating mga bituin? Habang hindi pa natin nakikita ang mga malinaw na sagot, maging mas mapagmasid tayo sa mga bagay-bagay na nasa paligid natin, mga bagay-bagay na naaabot ng ating mga indibidwal at kolektibong karanasan. Maging alerto tayo.


VLADIMEIR GONZALES
Patnugot sa Panitikan

---------------

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan