WALANG BUWAN ngayong gabi, napansin ko habang nakadungaw ako sa bintana
ng umaandar na bus. Malakas ang sampal ng hangin, nanunukso ang mga
pitik ng ambon. Naglalaro ang mga ulap-kurtinang tumatakip sa inaasahang
liwanag.
Naalala ko tuloy ang gabing iyon, ang gabing pinangarap kong magpakita
ang maliwanag na buwan. Nasa isang party tayo, kasama ang mga kaibigan,
mga kabarkada, mga kakilala't di kakilala. Naalala ko ang mga bote
ng gin at tequila, at nung sinabi kong lason ang mga alak na iyon,
naalala ko ang mga pakete ng Tortillos, Oishi, ang maliliit na hiwa
ng piniritong hotdog, naalala ko ang bagong lutong french fries, naalala
kita, naalala kita noong sinabi mong hindi masarap ang french fries
na walang ketchup, at magandang pampahulas ng tama ang isang mainit
na tasa ng kape. Naalala ko ang sarili ko, kung paano ko hiniling
na sana'y naipagtimpla kita ng kape, o nasamahan man lang sa pinakamalapit
na mabibilihan, kung paano ko ipinagdasal na sana'y may baon akong
ketchup sa bag ko na maiaalok sa iyo. Naalala ko ang paghihintay ko
sa bilog na bilog na buwan, ang pag-asang maiaakyat kita sa may bubungan,
maituturo ang puting puting bilugang liwanag, mahahawakan ang iyong
kamay, makahahalik maski man lang sa pisngi o sa noo. Ngunit wala,
walang kape, walang ketchup, walang hawakan ng kamay, walang halik
sa pisngi o sa noo. Higit sa lahat, walang buwan.
Walang buwan ngayong gabi, at naalala ko noong naalala kita noong
kumain ako sa Jollibee, noong sinabi ng kaibigan kong hindi naman
nawawala ang buwan, nagtatago lang siya sa likod ng maiitim na ulap
paminsan-minsan. Naalala ko ang pagtatanong niya, kung bakit dose-dosenang
pakete ng ketchup ang hiningi ko sa nakasimangot na kahera kahit na
isang balot lang ng french fries ang binili namin. Naalala kita, at
napangiti ako. Napangiti ako dahil naalala kita.
Nakatago pa rin ang mga pakete ng ketchup sa bag ko, umaasang sa
oras na kailangan mo ng kasamang bibili ng kape, sa oras na sasabihin
mong mas masarap ang french fries na may ketchup, sa oras na naroon
ang buwan sa langit at buong pagmamalaking nagniningning, naroon ako,
naroon at naghihintay, naghihintay dahil wala pang buwan ngayong gabi.