WALANG KAPARIS ang kasabikang nadarama ni Meteltestovferovfne-vfergestrene
o Metelvfgen habang hinuhubad ang kanyang damit na gawa sa balat ng
televfemea(i). Ngayon ang taon ng mga letreum at bukas ang araw na pinakahihintay
ng mga Androvf-hones na nais magpalit ng kasarian. Masuwerte siya't
maaga ang alignment ng tatlong buwan-Hadrosvfemia, Matroeslevfo, at
Testelovfa-tetrevfes-sa kanilang planeta.
Dahil sa gravitational pull ng nasabing mga satellite object, nabubuo
sa atmospera ng kanilang daigdig ang kemikal na Anaxenevfervftol-oho
(ii) na siyang nagpapausbong sa mga halaman-hayop na letreum na may
kulay vflevf (sunog na asteroid), orvftold (dahon ng mga puno sa gubat
ng Vfevfelredros-gevf), eleum (kanilang dugo), at anavfekvfek (isang
bundok na nakalutang sa hangin) sa mga dalampasigan ng buong planeta.
At kapag ang nasabing kemikal ay nalanghap ng isang Androvf-hones,
maaari siyang magpalit ng kasarian. Isa si Metelvfgen sa mga nagpasiyang
magpalit mula lalake tungo sa isang babaeng Androvf-hones.
Sa harap ng salamin huling pinagmasdan ni Metelvfgen ang kanyang
panlalakeng-anyo. Malapad ang kanyang noo at matangos ang ilong. Kakulay
ng kanyang mga mata ang tubig ng kanilang karagatan, isang uri ng
pagka-asul sa bahaging iyon ng sansinukob. Ito na ang gabing huli
niyang makakapiling ang kasariang itinakda sa kanya habang nasa sinapupunan
siya ng Fertelevf-ovfo (iii).
Matapos ang kaganapan ni Metelvfgen ay lumaki siya sa Levfrexnevfel-televf
(iv). Hindi na niya nakilala ang ina o ama. Nang alamin niya ang kapalaran
ng magulang sa records ng Gavfmetevf-er (v), natuklasan niyang lumabas
ang kanyang ina o ama mula sa kanilang planeta noong O*XvkOOk* (o
taon ng mga Oxenevf) upang makidigma sa mga nilalang ng Urto (vi).
Nalaman ng kanilang pamahalaan na noo'y balak sakupin ng mga Urtov
ang kanilang planeta at gamitin silang palahian. Mababangis at sakim
ang mga Urtov subalit dahil sa may mataas na antas ng teknolohiya
ang kanilang planeta, agad na nalaman ng mga kinauukulan ang nasabing
plano. Hindi nagtagumpay ang mga Urtov sa balak nilang ito. Nalupig
ng mga ipinadalang mandirigma ang nasabing mga haragan. Nakapasok
ang mga mandirigma sa pamamagitan ng perpektong pagpapanggap nila
bilang mga Urtov at nagawang lagyang ng bomba ang nasabing daigdig.
Sumabog ang Urtov at ngayo'y pitong planeta na walang buhay. Wala
nang narinig sa mga mandirigmang naglagay ng bomba. Dahil dito, higit
na pinauunlad ng mga Androvf-hones ang kanilang teknolohiya upang
makatuklas pa ng ibang planeta at mapigilan ang anumang pananakop
sa kanilang daigdig.
Lumaki naman at nag-aral (sa loob ng O*VvKO taon) si Metelvfgen sa
Resvfemulvfer (vii). Doon siya hinasang mamuhay sa iba't ibang uri
ng kapaligiran: mula sa mainit at tuyong atmospera kagaya ng sa planeta
Kle, nagyeyelo at mahanging lupain ng Es, masukal at magubat na Foa,
at sa mataong kapaligiran ng Gaia. Isa siya sa may pinakamahusay na
survival skill at body mechanism, mataas na antas ng pagkilala sa
mga uri ng mikrobyo at elemento, at kakayahang makadama ng damdamin
ng iba. Ngayon, nagtratrabaho siya bilang isang Gelvf (viii).
Matapos manalamin ay nagpunas ng Retvfol si Metelvfgen sa buong katawan
upang mabawasan ang mikrobyong erevft na kapag dumami'y maaaring ikalason
ng isang Androvf-hones. Isinuot din niya ang pinakapaborito niyang
damit na gawa pa sa mga hibla ng kelvf (ix). Maya-maya ay iinumin
ni Metelvfgen ang vfev, isang uri ng metal solution na didiretso sa
kanyang utak upang doo'y awtomatikong magiging isang flesh-microchip.
Iyon ang magsisilbing gabay ni Metelvfgen at identity marker sakaling
lumabas siya ng planeta. Luluwas si Metelvfgen matapos ang ikaapat
na siklo ng Matroeslevfo upang magampanan ang kanyang tungkulin bilang
isang propesyonal na Gelfv.
Batay sa mga infomasyon ng Revflevfon (x), si Metelvfgen ay mapupunta
sa isang planeta kung saan walang kakayahang magpalit ng kasarian
ang mga tao, ang babae at lalaki ay nagtatalik, may insertion ng tinatawag
nilang penis sa vagina at may union ng spermatozoa at ovum, upang
mabuo ang isang tao. Samantala, ang babae ay nagbubuntis sa loob ng
siyam na buwan, at matapos mailuwal ng babae ang isang nilalang, kailangan
itong alagaan dahil mabagal ang development ng nasabing tao. Para
kay Metelvfgen, isang pakikipagsapalaran ang kanyang gagawin laluna't
marahil ibang-iba ang pamumuhay na kanyang mararanasan sa nasabing
planeta bilang isang babae, at isang sikretong Andro-hones. Mapanganib
din ang paglabas sa kanilang planeta laluna't maaari siyang maka-enkwentro
ng mga bagong sakit at mikrobyo, higit sa lahat, mga nilalang na maaaring
mas mabagsik sa tulad niya.
Tumingin sa Rovf si Metelvfgen upang malaman ang eksatong hatak
ng grabedad ng mga buwan (::::xo ang eksatong sukat), ilang oras na
lang at malapit na ang grand alignment. Kinuha niya sa lamesa ang
isang maliit na kahong metal na naglalaman ng Vfev. Binuksan niya
ito at ininom ang pulang likido. Maya-maya ay lalabas na siya sa kanyang
silid upang langhapin ang kemikal sa hangin habang ang buwang Hadrosvfemia
ay abalang-abala sa pag-uutos sa mga letreum na mamulaklak at magsaboy
ng kulay sa dalampasigan ng kanilang planeta.
------