BIYERNES NG gabi, alas otso bente otso at ang lahat ay nasa kani-kanila
nang mga tahanan, sabik na nag-aabang para sa kinagigiliwang programang
"Ang Karugtong ng Kahapon ay ang Walang Hanggan ng Pag-ibig." Ito
na nga yata ang huling labas kung saan pinaniniwalaan ng lahat na
tuluyan nang maipagtatapat ni Clarita sa kanyang katipang si Juan
Amante na buhay ang kanilang anakang anak na sa loob ng walong
taon ay kanilang inakalang nasagasaan at namatay dahil sa rumaragasang
pison na minaneho ni Lucitasi Lucita na bagamat sa pisikal na
kaanyuhan ay kaparehong-kapareho ng kanyang kambal na si Clarita (maliban
sa dalawang karagdagang nunal na mayroon si Lucita: isa sa taas ng
nguso at isa sa isang pinakatago-tagong parte ng katawan), sa ugali
naman ay walang pagkakatulad ang dalawa. Si Clarita ay ang mabuti
at api, at si Lucita ay si Lucita. Si Lucita ang karakter na may pinakamasamang
budhi sa kasaysayan ng mga Tagalog soap opera. Mayaman, mataas ang
posisyon sa isang kumpanya ng tampons, matalino at malapit sa mga
politiko, ginamit niya ang kainggit-inggit na posisyong ito sa lipunan
upang hamakin at pagdusahin ang abang kapatid dahil sa ito ang minahal
ni Juan Amante. Ang tambalang Clarita at Juan Amante na hanggang ngayon
ay kinakikiligan ng bayan ay paulit-ulit na sinubukang sirain ni Lucita.
Pagpapapakalat ng mga maling balita na hermaphrodite si Clarita, pagbaril
sa mga magulang ni Juan Amante habang may suot na "Ako si Clarita"
T-shirt, pagpapabagsak ng negosyong buy and sell ni Juan Amante, ang
pagtatangkang patayin ang anak nila Juan at Claritang si Jun Jun,
at ang pinakahuling kasamaan ngayon, ang pagpapakidnap kay Clarita.
Kaya't malubha ang galit ng Pilipinas kay Lucita. Sa kanyang pagkatao,
nakikita natin ang lahat ng mga nagpahirap sa atin, mula sa mga Kastila,
Amerikano at Hapon, prayle at hasyendero, mga politikong walang ginawa
at mga driver ng pison na walang pakundangan kung humarurot, mga pala-inggit
at mga tsismosa, lahat ng ito; si Lucita ang imahen ng kasamaan at
ang pagpapahirap niya kay Clarita ay ang sarili nating opresyon. Pero.
. .
Ang eksperimento na napag-isipan ng Direktor at ng Manunulat limang
taon na ang nakararaan habang nasa isang pot session. Ano, o ano ang
mangyayari kung ang bida sa isang formulaic na soap opera ay biglang.
. .
Alas otso y medya at kauumpisa pa lamang ng palabas. Magsisimula
ngayong gabi sa isang bodegang matagal nang inabandona. Nakagapos
si Clarita sa dalawang piraso ng kawayang nakatayo at pinagbigkis
upang makabuo ng ekis habang si Lucita ay nasa harap nito, nakangiti
sa kapatid.
"Magkakaroon ba ng kaguluhan?" tanong ng direktor sa manunulat.
"Ano ang gagawin ng mga tao sa galit o gulat na matitira sa kanila?
Para bang sa EDSA na lalabas ang mga tao at magrerebolusyon?"
"Sampung hakbang? Dalawampung hakbang ba, mahal kong kapatid? Palagay
mo kaya ko ang tatlumpung hakbang? Sige." At pagkatapos ay pumili
si Lucita ng isa sa mga bakal na palaso sa lamesita. Pinulot niya
pagkatapos ang pana mula sa lapag at nagbilang ng mga hakbang papalayo.
"Tama na siguro ito, diba?"
"Mahal na mahal ng mga manonood ang mga idolo nila, mahal na
mahal din nila ang mga karakter na sinasabi nating bida. Kaya't kung
gagawin natin ito. . . ewan ko ba. Baka may fuse na pumutok sa circuit
breaker ng collective consciousness ng mga tao."
"Hindi ka magtatagumpay sa mga plano mo! Magbabayad ka sa ginawa
mong ito!"
"Ang inaalala ko lang, hindi ka papayagan ng istasyon na gawin
iyan." Sabi ng manunulat.
"At sino ba ang pipigil sa akin? Si Juan Amante? Mga pulis?" tanong
ni Luciita. Sinubuk-subukan na rin niyang banatin ang tali ng pana.
"Draw weight, mga 20 pounds? 25? Teka, teka, wag na nating patagalin
ito." Inilagay na niya ang palaso sa puwesto nito at itinaas ang pana.
Binatak.
"Trust me, pare. May mga paraan ako."
Napatigil sa paghinga ang buong Pilipinas. "Sabihin mo na lang kung
masakit, ha?".
"At bakit pa kailangang palaging happy ending?"
Pinakawalan ni Lucita ang palasoang palaso na lumipad sa ere
at tumagos sa bumbunan ni Clarita at tumapos, sa isang iglap sa buhay
nito. Sa harap ng mga telebisyon, wala pang ni isa mang makapagsalita.
"Weird siguro, ano?. Kapag nakita nila sa publiko iyung artistang
gaganap ng kambal: Bakit mo pinatay si ano? Tapos, sasagot siya: eh
ako rin naman si ano eh!"