MAIKLING KUWENTO
Love Handles

MULA SA mala-rebulto kong postura habang nakikipagtitigan sa wallclock ay mistula akong nangingisay na manok nang biglang may dumapong dalawang mala-kurot na kapit sa tagiliran ko.

"May love handles ka pala?"

Akala ko kung sino na namang katrabaho ang nag-titrip sa'kin. Si Michiko pala. Hindi ko alam kung pang-aasar ba o paglalambing lang ang intro niya sa muli naming pagkikita, pero alin man sa dalawa, ginantihan ko na lang siya ng pinakamatamis kong ngiti.

Kahit hanggang batian lang ang sukatan ng relasyon namin ni Michiko, kilalang-kilala ko na siya. Siya ang tipo na kapag nag-a-aerobics ay umaayaw sa kalagitnaan ng session kapag hindi na masundan ang mga step. Siya ang tipo na kapag nag-weweights ay hindi na tinatapos ang pag-woworkout kesyo raw nakakangawit, masakit at nakakapagod sa katawan. Siya ang tipo na mas pipiliing gawing takbuhan ng kwentuhan ang aero floor kaysa tumakbo't magpapawis sa treadmill. Ito ang pagkakakilala ko sa kanya. Pero pumupunta lang naman si Michiko sa gym tuwing nag-aaway sila ng kanyang boypren.

At paano ko nalaman?

Iisa lang naman kasi ang routine ni Michiko tuwing nandito 'yan. Mag-a-aero, iinom sa drinking fountain, mag-a-aero ulit, may makikitang kaibigan, makikipagkwentuhan, makikipagtawanan na para bang wala nang bukas, mag-weweights, iinom ulit, makikipagdaldalan ulit, makikipag-asaran, tapos mag-riring ang cellphone. Biglang magbabago ang aura ng mukha, makikipag-usap sa cellphone na pinipigilan ang pagkainis. Tapos bababaan ang kausap, matutulala, at kung minsan kapag talagang grabe ang kanilang pinag-awayan, mangingislap-ngislap pa ang mga mata, maalimpungatan, tapos mampipisil sa tagiliran ng kahit sinong kakilalang unang makikita. Ganun lang naman ang routine ni Michiko sa gym.

Kailan kaya darating ang panahon na isasama niya ako sa kanyang routine? Sana ang kaninang pagpisil niya sa mga pilit kong ikinukubling bilbil ang maging simula.

Nung una ko kasi siyang nakita, gusto ko na siya. Kung pwede ko lang siyang sagipin mula sa boypren niyang kupal, gagawin ko.

"Paano ba maalis 'to?" biglang hirit ni Michiko sa'kin na hawak-hawak ang kanyang tagiliran.

"Bukod sa cardio, crunches, at diet, kalimutan mo na 'yang boypren mo tapos mag-date tayo."

Muling pinisil ni Michiko ang love handles ko.

Nahimasmasan ako't nilunok na lang ang mga salitang tumatakbo sa isipan.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan