MALAPIT SA katotohanan ang paniniwalang kapag ikaw ay nakatira sa
Campostela Valley, inuupuan mo ang isang malawak na lupain ng ginto.
Subalit katulad ng kuwento ng ating bansa, mayaman ang lupain ng
Campostela pero naghihirap ang mga tao dito. Ang ginto ay minimina
para sa iilan habang ang marami ay nagdarahop.
Ito ang buhay sa lupain ng ginto sa pusod ng lupain ng pangako.
Hanggang sa hinamon ang kalakarang ito. At ang dominasyon ng iilang
tusong indibidwal ay tinapatan ng matapang na paglaban ng mamamayan.
Mula noon, naging pula na ang kulay ng lupa sa lupain ng ginto. Kulay
ito ng paglaban at ng dugong binubuwis upang maibalik sa mamamayan
ng Campostela ang yamang ninanakaw sa kanila.
Silang mga walang pangalan ay paminsan-minsa'y nagkakaroon ng pagkakakilanlan
upang bigyang mukha ang buod ng pakikibaka. Ipinapakita nila ang matwid
ng kanilang misyon sa kabila ng walang tigil na banta ng represyon.
Sa pagkakataong ito, sila ay mga kabataan ng Maco, Campostela Valley.
Marjorie Reynoso, Jonathan Bernaro, Ramon Regase at Lito Doydoy.
Si Marjorie ay pinuno ng SK sa kanilang barangay habang tumatayong
provincial treasurer ng Anak ng Bayan. Si Jonathan ay kagawad sa SK
habang coordinator sa munisipyo ng Anak ng Bayan. Sina Ramon at Lito
ay pawang mga organisador ng Anakbayan sa komunidad.
Biyernes sila dinakip ng mga armadong kalalakihan. Kinabukasan ay
nakatanggap ng tawag ang nanay ni Marjorie mula sa Military Intelligence
Group ng probinsiya at sinabing hawak nila ang kanyang anak. Lunes
nang makita ang nabubulok nilang bangkay sa plantasyon ng saging ng
Selecta.
Agad tinuro ng militar ang Alsa-Maco, isang grupong vigilante na
itinayo ng anti-komunistang alkalde ng Maco bilang pangunahing suspek.
Sumunod ang ilang araw ay binago ang hatol: mga rebeldeng komunista
raw ang pumatay sa mga kabataan bilang "sacrificial lamb"
upang kumuha ng simpatiya ng tao at dumami ang galit sa gobyerno.
Hindi ako pinalad na makilala ang apat na martir subalit kaisa ko
sila sa pagsusulong ng parehong adhikain. Sa kanilang murang edad
ay natuto silang magtanong, makialam at lumaban. Nakita nilang may
bagong mundo silang pwedeng yakapin kung agad silang kikilos.
Tinalikuran nila ang pasibo, pasuko at kumbensiyunal na buhay at sama-sama
nilang niyanig ang mabagal at pyudal na mundo sa Maco.
Ang kanilang kapangahasan na hamunin ang nakikita nilang mali sa
paligid ang naging mitsa ng kanilang buhay.
Sa lipunang demokratiko, ang kapangahasang ito ay hinahayaang yumabong
dahil kailangan ito para sa pag-unlad. Pero sa Pilipinas, isang lipunang
nagpapakilala bilang demokrasya, ito ay ipinagbabawal.
Tatlumpu't isang taon pagkatapos ideklara ang batas militar, mukhang
hindi pa natututong itakwil ng estado ang multo ng terorismo.
Ang apat na pinaslang na kabataan ay pinakabagong biktima ng kasalukuyang
gera laban sa terorismo ng pamahalaan. Ang gerang inilunsad ng pamahalaan
laban sa kanyang sariling mamamayan ay nagbigay ng lehitimasyon sa
militar upang tugisin ang lahat ng indibidwal at grupo na may kritikal
na postura laban sa gobyerno.
Tulad ng karamihan sa mga binabansagang terorista, ang apat na pinaslang
ay mga inosenteng sibilyan. Higit pa dito, sila ay mga hinalal na
lider ng mga kabataan. Paano mahihikayat ng pamahalaan na magtiwala
ang kabataan sa gobyerno kung hindi nito mabigyan ng sapat na proteksiyon
ang sarili nitong mga opisyal? Nagagalit ang pamahalaan kapag hindi
nakikialam ang kabataan sa mga programang ihinahanda nito pero ngayong
lumalahok ang kabataan sa mga programa nito tulad ng SK ay hinahayaan
na lamang mangyari ang karumal-dumal na krimeng ito. Itinutulak nito
ang mga kabataan palayo sa parlyamento.
Ang pagpaslang sa apat na kabataan ng Maco ay maaaring panakot para
sa sinumang mangangahas pang tumayo at humamon sa interes ng iilang
makapangyarihang tao na sasapitin nila kung ano ang nangyari sa apat.
Pero higit itong indikasyon ng takot ng mga nasa poder at humuhuthot
ng yaman ng lupain sa lumalakas, dumarami at naiipong poot ng mamamayan
sa kanilang kasakiman. Duwag kung lumaban dahil ang mga walang armas
lamang ang sinisindak.
Ang kamatayan ay araw-araw na katotohanan. Subalit hindi lahat ng
kamatayan ay katanggap-tanggap. Para sa ating lumaki sa siyudad at
naging manhid na sa mga patayan at iba't ibang krimen, minsan ay mahirap
unawain ang pagbuhos ng emosyon para sa isang karaniwan nang pangyayari
tulad ng pagpaslang.
Tama namang sabihin na hindi na dapat magulat sa nangyari sa Maco.
Ano pa ba naman ang aasahan sa isang lipunang nasa bunganga ng bulkan
ng kaguluhan?
Gayunpaman, dapat kilalanin ang lalim ng kasamaan at kahayupang
naganap sa Campostela. Ang binawian nila ng buhay ay hindi naiiba
sa atin. Labimpitong gulang, labingwalong taong gulang, nasa simula
pa lang sila ng mahabang paglalakbay sa buhay. Tulad natin, marahil
punung-puno pa sila ng sigla upang tumuklas ng mga bagong kaalaman
at karanasan. May mga iniidolo silang artista, nangangarap ng matiwasay
na buhay. May nagmamahal sa kanilang pamilya o karelasyon at nagbibigay
sila ng kasiyahan sa maraming tao.
Tayong mga naiwan dito sa magulong mundo ay makakatuklas pa ng mga
bagong kaaalaman, matutupad pa natin ang ating mga pangarap sa buhay,
iibig tayo at tayo'y iibigin, magiging saksi pa tayo sa maraming pagbabago
sa ating mundo. Ito ay magagawa pa natin dahil tayo ay buhay. Samantalang
ang apat na kabataan ay pinatahimik habambuhay ng mga taong ayaw kumilala
ng tama at mali. Ang mga pangarap nila at pag-ibig ay kasama nilang
humimlay sa ilalim ng lupain ng ginto sa pusod ng lupain ng pangako.
Sa aking agam-agam, ang pagpaslang sa kanila ay isang di-tuwirang
atake sa sigla, tapang, lakas at talino nating mga kabataan.