KAPAGKA
GANITONG nalalapit ang halalan, lalo na'y isang pambansang halalan
tulad ng magaganap sa Mayo 2004, nauuso ang mga sasakyang umiikot
sa mga pamayanan na kinabitan ng mga megaphone, at mula sa mga ito'y
maririnig natin ang mga talumpati tungkol sa kung bakit walang ibang
nararapat na mahalal kundi si ganiri at ganyang kandidato. Walang
oras na pinipili ang mga ito--kung minsa'y umagang-umaga, kung minsan
nama'y maggagabi na.
Kaya't huwag tayong magtataka kung sa susunod na mga araw ay magising
na lamang tayong naririnig ang ganito:
"Mga minamahal naming kababayan, lalo na ang masang silang pinahahalagahan
namin nang higit kaninuman sa napakapalad na lipunang ito, isang mainit
na pagbati. Sa darating na Mayo, muli tayong mamimili ng mga susunod
na mamumuno sa ating bansa.
"Ngayon pa lamang ay nararapat na maging malinaw na sa atin
kung sino ang pipiliin. Kaya naman sinasamantala namin ang pagkakataong
ito upang ilahad sa inyo ang mga kadahilanan kung kaya walang nararapat
na ihalal bilang susunod nating pangulo kundi ang siya ring kasalukuyang
nakaluklok sa Malacanang.
"Ang ating mahal na pangulo'y nararapat na muling mahalal dahil
sa kanyang walang kapantay na pagkamakabayan. Nakikita naman ninyong
sa kalabisan ng kanyang pagmamahal sa ating bayan ay hindi sapat ang
ating bayan upang pag-ukulan nito, kaya naman hangad niya ang lumaki
nang lumaki ang ating bayan upang may mapaglagyan siyang sapat ng
kanyang pag-ibig dito.
"Kaya't upang lumaki nang lumaki ang ating bayan ay kanya itong
ikinakabit sa isang dambuhalang bayan, ang Estados Unidos. Kahit na
wala tayong kinalaman sa giyera ng Estados Unidos, pinayagan niyang
ang mga sundalong Amerikano'y magsagawa ng ehersisyong militar sa
ating bayan at magpasok dito ng kanilang mga kagamitang militar. Sa
ganitong proseso, talaga namang magiging bahagi na tayo ng Estados
Unidos sapagkat mailulunsad na mula sa ating bansa ang mga pagsalakay
ng mga tropang Amerikano, at ang mga kaaway ng Estados Unidos ay magiging
kaaway na rin natin.
"Ang ating mahal na kandidato'y subok din sa kanyang taos-pusong
pagmamahal sa mga manggagawang silang nagpapaandar sa makina ng ating
ekonomiya. Batid niyang ang ating mga manggagawa'y kailangang palayain
sa pagkabusabos sa napakarami sa mga pabrika sa ating bayan, kaya
naman sa ilalim ng kanyang panunungkulan, pataas nang pataas at umabot
pa nga kamakailan sa 12.7 porsiyento ng kabuuang puwersang paggawa
ang hindi na nagtatrabaho sa mga pabrika.
"Wala silang trabaho, subalit malaya naman sila sa pagsasamantala
sa pamamagitan ng mababang pasahod at kawalan ng benepisyo.
"Wala ring kapantay ang kanyang pagkalinga sa mga magsasakang
silang naghahain ng pagkain sa ating mga hapag. Batid niyang napakahigpit
ang pagsakal ng mga tanikala ng piyudalismo sa ating uring magsasaka,
kaya naman napakarami sa ating mga kapatid na magbubukid ang pinaaalis
ng mga korporasyong pang-real estate sa kani-kanilang mga lupa. Lubusang
batid ng ating pangulong ang mamatay ay makalibo pang matamis kaysa
mabuhay bilang isang alipin, kaya naman higit niyang nais na makitang
mamatay sa gutom dahil sa kawalan ng kabuhayan ang ating mga kapatid
na magbubukid kaysa manatiling mga alipin ng piyudalismo.
"Matitiyak din nating kung muling magiging pangulo ang ating
mahal na kandidato, siya ang taong makapag-aambag nang pinakamalaki
sa ating kasaysayan, sapagkat napakarami ang kanyang idinaragdag--at,
kung inyong itutulot, patuloy pang idaragdag--sa talaan ng ating mga
martir. Makikita naman nating sa ilalim ng kanyang panunungkulan,
mahigit nang 30 kasapi ng partidong Bayan Muna ang pinatay ng militar.
Kamakailan pa'y nadagdag sa mga ito ang tatlong kasapi ng bagong partidong
Anak ng Bayan.
"Ang mga taong ito ay mga naghangad ng pagbabago sa ating bayan.
Tulad nina Gat. Andres Bonifacio at Gat. Macario Sakay, sila'y naghangad
ng pagbabago, at tulad din nina Bonifacio at Sakay, sila'y nakatagpo
ni Kamatayan sa kanilang paghahanap ng pagbabago. Kaya naman matitiyak
nating sa ilalim ng muling panunungkulan ng ating mahal na kandidato,
magiging isang bansa ng mga bayani ang ating bayan, sapagkat napakarami
pa ang susunod sa mga yapak nina Andres Bonifacio at Macario Sakay.
"Kaya't sa darating na halalan, ito ang aming panawagan: 'Ang
ating pangulo, ibalik sa Palasyo!'
"Maraming salamat po."