ILANG TAON matapos na mabuo ni Dr. Renato Constantino (1919-1999)
ang kanyang huling aklat (The Invisible Enemy: Globalization and Maldevelopment,
1997), ang Foundation for Nationalist Studies ay naglabas ng isang
manipis na koleksiyon ng kanyang mga artikulo tungkol sa soberanya.
Pinamagatang Essays on Sovereignty, binubuo ito ng 13 pitak na kanyang
sinulat sa mga pahayagang Philippine Daily Globe at Manila Bulletin
sa pagitan ng mga taong 1988 at 1996.
Katulad ng ipinahihiwatig ng pamagat, ang aklat ay tungkol sa soberanya,
na siyang pangunahing simulain ng yumaong Dr. Constantino.
Napapanahon ang paglabas ng aklat na ito. Bagama't ang karamihan
sa mga tinutukoy sa aklat na ito ay mga pangyayari sa nakaraan, tulad
ng digmaang Estados Unidos-Iraq noong 1991 at ang pagdiriwang ng sentenaryo
ng ating "kalayaan" noong 1996, ang mga pangkalahatang kalagayang
tinatalakay rito ay mga kalagayang umiiral magpahanggang sa mga panahong
ito-at lalo pang pinatatalim ng kampanyang militar na panghihimasok
ng Estados Unidos sa iba't ibang bansa tulad ng Afghanistan, Pilipinas,
Iraq, Syria, at Hilagang Korea.
Matindi ang pagkundena ng aklat sa pagpapalapad ng Estados Unidos
ng presensiya nito sa buong daigdig, bagay na lumalabag sa soberanya
ng iba't ibang bansa. Tinutukoy rito ang pagpapalaganap ng Estados
Unidos ng globalisasyon, isang programang nagbubukas sa mga ekonomiya
ng mga bansa sa mga labis na produkto nito, masira na kung masisira
ang mga pambansang kabuhayan Binabatikos ang pagpapataw ng Estados
Unidos ng mga makaglobalisasyong patakarang pang-ekonomiya sa pamamagitan
ng mga kasunduan, at dinuduro ang pagbubukas ng mga ekonomiya sa pamamagitan
ng agresyong militar. Ipinaaalaala ng ilan sa mga pitak na ito ang
mga karahasang pinaggagawa ng Estados Unidos Biyetnam, Laos, at Iraq-lalo
na ang paggamit ng lubhang mapaminsalang mga sandata tulad ng Agent
Orange at depleted uranium.
Sa Pilipinas, binabatikos ng mga sanaysay ni Constantino ang mga
naghaharing uri, na batay sa kasaysayan ay may tendensiyang makipagsabwatan
sa mga mananakop (kolonyal man o neokolonyal) upang mapangalagaan
ang kanilang nakatataas na kalagayan sa lipunan. Idiniriin ang pangangailangan
sa isang lideratong tunay na kumakatawan sa mga mithiin ng sambayanan.
Datapwat hindi pinaliligtas ang pangkalahatang bayang Pilipino sa
pagtuligsa. Pinupuna ng aklat ang paglimot natin sa ating sariling
pagkakakilanlan at walang habas na panggagaya sa mga Amerikano, mga
bagay na dala ng mahabang panahon ng kolonyalismo at ng hindi natin
pagkakatikim ng ganap na kalayaan.
Tinutukoy rin bilang bunga ng kolonyalismo ang ating negatibong pagtingin
sa mga kababayan nating Muslim. Ipinaliliwanag na ito'y iniluwal ng
mga kampanya ng mga Kastila laban sa mga Muslim, na sapagkat hindi
nila masakup-sakop ay pinalitaw nilang mga "barbaro" sa
mga mata ng mayoryang Kristiyanisado.
Sa huling bahagi, inilalatag ang kalutasan sa suliranin ng patuloy
na paglabag sa soberanya: ang nagkakaisang pagkilos ng lubos na naliliwanagang
sambayanan. Bagama't ang paglalatag nito'y nasa konteksto ng karanasang
Pilipino, angkop ito saanman may paglabag sa soberanya-tulad ng Iraq
sa kasalukuyan.
Sa paglabas ng aklat na ito, mandi'y nagbabalik ang isang tinig mula
sa nakaraan upang gabayan tayo sa kasalukuyan. Dapat na purihin ang
mga nasa likod ng Foundation for Nationalist Studies dahil sa kanilang
pagkilala sa patuloy na pagiging makabuluhan ng mga akda ni Dr. Renato
Constantino.
Manipis lamang ang Essays on Sovereignty. Ngunit makapal ang maiaambag
nito sa kampanya laban sa imperyalismo. Dapat itong basahin ng bawat
makabayan saanmang bansang may paglabag sa soberanya upang higit na
maintindihan ang kasalukuyang kalagayan ng kaayusang pandaigdig na
pinaghaharian ng Estados Unidos.