Isang gabi,
tulad ng maraming gabi,
tinitigan ako ng buwan.
Sa isang malamig na bato,
nakipaghalikan ang tumbong
sa lilim ng akasya.
Walang hanging umaalimpuyo,
walang hanging nanunuyo,
pero ramdam ko ang ginaw
ng mga dahon
sa aking braso,
lahat sila'y nagpapadaop
sa pinilakang hibla
ng babaeng
mata lang
ang nakikita.
Dahon akong nangungulila. Dahong
nagpakamatay
sa malabay na sanga. Dahong
bulag na ang mga stomata.
Banal na sugat.
Banal na pagkabulag.
Banal na lawa ng
baliw na makata.
Walang makatang di naghangad na lumigaya.
Walang sugat na di nangangarap na maghilom.
Walang dahong pumasag sa hangin.
Walang nakakaunawa.
Walang buwang nagpakagumon sa dilim.
Walang buwang di nasilo ng ulap.
Walang buwang dinaig ang lamlam ng mata ng makatang naambitan.
Walang umaalik-ik.
Walang makatang di tumitig sa buwan.
Walang makatang di nagpadarang sa buwan.
Ang likidong-liwanag,
pilak man sa ilang,
pulang nagnanaknak, nananahan.
Buwan,
dagitab ng karimlan,
ina ng sundang,
kandila ng nananaglahi,
isang kurap mo lang,
ako'y nahihimlay
sa higante mong talukap,
bakit ipinababatid mo
ang paalam?