"SA'N 'TO?" tanong ng tsuper ng dyip pagkaabot sa sampung
piso ko.
Bakit kaya hanggang ngayon nagdyi-dyip pa rin ako? Masarap mag-dyip
kung iisipin ko ang mga panahon noon na wala pang diesel na bumibiyahe
sa kalsada. Mura ang gas, di mo kailangang magtiyaga sa marumi at
mausok na diesel na sasakyan. Sariwa ang hangin. Masarap sumakay sa
dyip.
Ano kaya kung huminto ang Pilipinas sa pagsabay sa teknolohiya ng
kanluraning mga bansa? Kung sabagay hindi naman talaga tayo nakakasabay.
Huli pa rin kung tutuusin pero ang tunay na problema'y lumilitaw sa
ating pagkukumayod na sumabay sa bagong uso
sa Tate. Meron ka na bang Oakley? Sarap sanang pumorma sa loob ng
dyipni.
Ano kaya kung lahat ng Pinoy may auto na? O kaya mura lang at kayang
bumili ng pangkaraniwang Pinoy kung gugustuhin niya? Sarap mangarap
pero pano kaya 'yon mangyayari kung tuwing umaga'y hindi natin alam
kung kelan mapapasaatin ang tinutulugan nating bahay? Patay, baka
matulog na lang ako sa dyipni.
Ano kaya kung ang Pinoy mas may malasakit sa kapwa Pinoy? Hindi masaya
kung ang kapitbahay nati'y may bagong karaoke tapos ikaw, wala. Hindi
masaya ang mahirap kung ang mayaman lalong yumayaman dahil hindi sapat
magpasuweldo. Hindi naman hinuhuli ng gobyerno. Hindi rin masaya ang
mayayaman kung may bago silang kapitbahay na biglang yaman dahil tumama
sa lotto. Ano ba to? Ang kalog naman ng dyip na to!
Ano kaya kung ang Pinoy medyo bawas ang bisyo? Yosi, sa gabi alak,
beerhouse, latest cellphone. Buti na lang mayro'n kaming kamag-anak
na OFW. Isang tawag lang, pagkatapos ng dalawang linggo, nandito na.
Di baleng walang load basta nasa bewang ko. Nakaporma. Sabi ng pinsan
ko, sa Saudi kahit ordinaryong Pinoy na contract worker naka-Oakley,
naka-cellphone. Yung ibang lahi, may cellphone pero 3310 pa rin. Yung
damit mumurahinhindi nila alam yung Nike. Okay din kaya sa kanila
sumakay ng dyipni?
Oo nga pala, ano kaya kung may sukli pang sampung piso ko?
"Boss, sa'n to?"
"Ah dyan na lang sa kanto." Pambihira, sobrang init at
usok. Magtataksi na lang ako.