TINIG
Mahirap Ba Talagang Mag-isa?

NASA TRENTA anyos na ako, ngunit nag-iisa pa rin. Katatapos lang ng unos sa buhay ko, salamat at natapos din.

Muli, bumabalik sa aking isipan ang takot at pangamba kung meron pa nga bang taong magkakamali sa akin? Ang ibig kung sabihin, magkamaling magmahal (kung meron nga ba?). Sabihin man nating may darating o wala mang darating, ang tanong ngayon—kailan pa kaya?

Kadalasan marami sa ating mga nasa ganitong edad, walang kasintahan o walang pinag-uukulan ng pagtingin—katakut-takot ang mga umiikot na haka-haka ng mga dilang nakapaligid sa atin.

Kung babae ka, ang tanong o ang pagdududa sa iyo—lesbyana ka o talaga nga bang wala nang planong paramihin pa ang lahi ng inyong mga magulang. Samakatuwid, tatanda ka na lang na dalaga. Buti pa nga sigurong mag-madre at ikulong ang sarili mo sa kumbento? Kung lalaki ka naman, pareho din ang pagdududa sa iyo. Kahihiyan ng iyong pamilya kung maging bakla ka o mas mainam na mag-pari ka na lang at magsilbi sa Diyos at pasukin ang seminaryo.

Ganyan lagi ang naiisip na solusyon o alternatibo ng mga taong nakapalid at nakikialam? 'Yan lang ba talaga ang kasagutan para sa mga tulad ng mga indibidwal na nahihirapan o ayaw munang magkaroon ng kabiyak?

Tinanong ba nila kung ano ba talaga ang nais natin? Sumagi ba sa kanilang mga isipan na mga tao din tayo na nasasaktan, nag-iisip at marunong magmahal?

Siguro nga ngayong nasa edad na tayo, dumaan na sa mga kagila-gilalas na karanasan sa buhay, masyado na tayong cautious,‘ika nga. Mahirap na. Sigurista ang tawag ng iba sa atin. Masama ba?

Ako? Totoong mahirap. May hirap man, siguro masasabi ko rin may kaakibat na na sarap. Masarap kasi wala kang dapat sasagutin kundi sarili mo. You are responsible to yourself alone. Di mo kailangang magpaaalam sa kung sino—sa isang kasama sa buhay (asawa) kung kailangan mong may puntahan na mawawala ka ng matagal (puwera na lang kung nagtatrabaho ka sa isang kumpanya).

Ang kasunod na tanong: malungkot ba? Minsan oo, minsan hindi. Magkahalong pakiramdam. Pero mas pipiliin ko pang mag-isa—walang commitment o walang kasintahan kaysa masaktan ako. Hindi ko kinakaila na masarap din kung may minamahal, nakaka-miss ang "kilig" pero kung makikita ko lang uli ang sarili ko sa isang kahapon na nagdulot sa akin ng depresyon—wag na lang. May nais ko pang palayain ang aking sarili. Mas malaya pa akong mahalin kung sino ang gusto kong mahalin nang walang kundisyon.

Sabi nga ni William Shakespeare, “They do not love that do not show their love.” Ang sa akin lang, ang pagmamahal ba kailangan ba talagang makita sa konteksto ng magsing-irog? Puwede naman akong magmahal ng kapwa ko kahit walang attraction, di ba?

Ngayon ko mas naintindihan ang sabi ng Diyos: “Blessed are the single-hearted for they shall see the face of God.” Mas ngayon ko nakikita ang mukha ng Diyos araw-araw kung nag-aanyo siyang kapwa ko; na nangangailangan ng tulong ko.

Makailang beses din akong sumemplang sa mga desisyon ko sa buhay, madami na. Hindi dahil sa takot na ako na magmahal. Isang bagay lang ang aking alam—masaya pa rin ako kahit binata ako. May silbi pa rin ako sa lipunang ito. Mas malaya kong mahalin ang aking kapwa sa anumang panahong papahintulutan ako ng Panginoon na magsilbi.

“So even though I can’t see what tomorrow may bring, I believe in You cause you believe in me. And even when the night makes the light hard to see, Thy Kingdom Come, Thy will be done,” as the song goes. Pinapaubaya ko na sa Kanya ang buhay ko.

Sa ngayon, saan man ako dalhin ng Diyos, di ako takot. Mas maliwanag sa akin kung ano ang silbi ko. Mas masarap magsilbi sa Diyos, sa kapwa—kahit saan, kahit kailan. I know that it maybe foolish for some people to think about what I just said, but it is what He wants me to do. This is the best place where God wants me to be. Di ako magtatanong. Mamumuhay ako naayon sa anumang plano Niya sa akin.

Kayo na tulad ko ngayon na akala mo malungkot at mahirap ang mag-isa, marami pang bagay ang dapat nating gawin bago tayo mag-aasawa o tumahak sa anumang kasunod na antas ng buhay.

This is just a training ground for us. It is the better portion that God has referred to when Martha complaint to Jesus about Mary’s decision.

---------------
Sa ngayon, kasama si Jude, 31, sa mga nagtataguyod ng samahang PinoyWriters, the Global Network of Filipino Writers. Ang kanyang mission statement sa buhay: to appreciate, to communicate, and to nurture faith and creativity in the youth and in the human development. Kanyang dinarasal na isang araw, makakapagpatayo siya ng isang Formation Center for Single-hearted. Nasa Harbin, China siya sa kasalukuyan, nagbabakasyon.

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan