KAGABI, HABANG natutulog si Sophia,
matagal ko siyang pinagmasdan. At habang pinagmamasdan ko siya sa
kanyang pagtulog, kung anu-anong bagay ang pumasok sa aking isip.
Ano kaya'ng kapalaran ang naghihintay sa batang ito? Maibigay ko
kaya ang lahat ng kanyang pangangailangan? Ganap na kayang karapatan
ang edukasyon at hindi lamang pribelehiyo sa mga may kayang magbayad
para dito? O baka naman kasingtayog na ng langit ang bayarin sa matrikula?
Sa kanya kayang paglaki ay masaksihan nya pa rin yung maraming kababayan
na sa bangketa na natutulog? Makarinig pa kaya siya ng balita tungklol
demolisyon
ng tahanan ng mga maralitang tagalungsod? Makarinig pa kaya siya ng
balita tungkol sa magsasakang minasaker
ng militar? Marinig nya pa kaya yung sigaw sa lansangan ng mga
makabayang nagdedemostrasyon: "Imperyalismo, Ibagsak! Burukrata
Kapitalismo, Ibagsak! Pyudalismo, Ibagsak!?" Maayos na kaya ang
kalagayan ng mga manggagawa?
Ano kaya ang landas na tatahakin ng batang ito kung makagisnan pa
rin niya ang lipunang punung-puno ng pagsasamantala? Pumanig din kaya
siya sa mga aping sektor ng kanyang lipunan tulad ng ginawa ni Kristo
na kailanman ay di pumanig sa naghaharing-uri ng kanyang panahon?
Sa kanya kayang panahon ay uso pa rin ang pagtatago ng pera sa bangko
gamit ang mahihiwagang pangalan tulad ng Jose Velarde at Jose Pidal?
May “plenty of sex” din kaya ang mga magiging pangulo ng bansang Pilipinas
sa kanyang panahon? Patuloy pa rin kaya ang gera sa Mindanao? Patuloy
pa rin kaya sa pandarambong ang Estados Unidos sa mga bansang mahihirap?
Haayyy...ang daming tanong na di ko pa masagot sa ngayon. Ganun pala
ang pakiramdam ng isang ama, masyado mag-alala at malayo na ang tinatanaw
sa unahan!
Di ko maalis na mangamba sa mga bagay na pumasok sa aking
isip sa tagpong iyon. Pangamba dahil walang katiyakan kung ano talaga
ang magiging kinabukasan ng aking anak. Kungsabagay, wala namang nakatitiyak
kung ano ang mangyayari sa kinabukasan. Pero magaan sa pakiramdam
ng isang ama na matiyak na magiging maayos ang buhay ng kanyang anak
sa darating na panahon. Naalala ko tuloy ang kanta ng Buklod, yung
“Nasa Atin ang Panahon”:
...Halina’t likhain, itayo ang bukas
Para sa ating mga anak
Ipaghanda sila ng daigdig na sagana
Nasa atin ang panahon….
Hindi ko man tiyak kung ano ang mangyayari sa darating
na bukas, sisiguruhin ko naman na hindi ako susumbatan ng aking anak
kung bakit di ako kumilos para sa pagbabago ng kasalukuyang kalagayang
panlipunan, kung bakit di ko siya ipinaghanda ng isang magandang bukas!
Di ko man masaksihan ang isang lipunang walang pagsasamantala, nawa'y
maliwanag na umaga ang makita ni Sophia sa pagmulat ng kanyang mga
mata.