NAGLALAKAD AKO noon patungo sa Libertad. Sobra ang init ng ulo ko
dahil alam kong mahuhuli na ako sa aking klase.Nadagdagan pa ng banggain
ako ng isang ale na may dala-dalang bayong na tila galing sa palengke.
"Ano bang buhay ito?" ang nasabi ko sa aking sarili. Mabilis
ang mga galaw ng aking mga paa nang napansin kong humihinto ang mga
tao sa isang parte malapit sa sakayan ng dyip. Sa kagustuhan kong
malaman kung ano ang kanilang inuusyoso ay pumunta ako sa lugar na
iyon. Nakita ko ang mag-asawang natutulog katabi ang isang sanggol.
Inisip ko na ang sanggol ay kapapanganak pa lamang dahil nakabalot
lang ito sa isang kumot at ang bestida ng ale ay may dugo pa. Marumi
at nilalangaw ang lugar na tinutulugan nila. Napaisip ako... ito na
ba ang buhay ngayon?
Kahit mabilis na ang pag-usad at pag-unlad ng panahon ngayon, may
mga bagay pa ring nanatili sa kanyang kinaroroonan kahit pa ang ibang
mga kasabay nito'y patuloy sa pag-angat at pag abante kasama ang mga
produkto ng teknolohiya. Ganyan ang Pilipinas.
Ang isyung ito ay luma na, luma at patuloy na nanatiling suliranin
nating mga mamamayang Pilipino. Kahirapan ang una sa listahan. Kahit
isa lamang akong estudyante ay dama ko ang hirap ng buhay dito sa
ating bansa. Ang maging isang mamamayan at bahagi ng bansang ito ay
pagiging kabahagi na rin sa paghahanap ng solusyon para rito. Maraming
tulad kong kabataan ang hindi nakakapag-aral dahil sa kakapusan sa
pera. Pinansyal ang dahilan, mababaw ngunit aminin man natin o hindi,
ito talaga ang problema ng karamihan sa atin. Minsan naiisip ko nga
mapalad pa rin ang mga tulad ko: nakakapagaral at may tiyak na tirahan
na matutuluyan.
Ang kabataang tulad ko ayon kay Dr. Jose Rizal ang siyang pag-asa
ng bayan. Ngunit hanggang ngayon ay patuloy pa rin itong nanatiling
kasabihan lamang. Ang pagiging mapusok ay karaniwang ikinakabit sa
aming mga kabataan, mga kabataang pilit na tumutuklas ng mga bagay
sa puntong kahit alam ng mali ay ginagawa parin.
Ngunit ang mga kaguluhan ngayon ay hindi lamang pwedeng isisi sa
amin. Paano kami magiging pag-asa ng bayan kung ang ipinamulat sa
amin ng mga nagdaang henerasyon ay
kaguluhan, kahirapan at mga krimen na napapasa sa mga kaisipan ilang
kabataang naliligaw ng landas?
Ang kailangan namin ay mga taong magtuturo sa amin ng mga mabubuting
asal at tutulong magpaunlad sa aming lakas at mga bagong ideya na
taglay na namin. Maaring ito na ang hinihintay na susi sa paglutas
ng mga suliranin ng ating bansa at tumupad sa mga pangarap ni Dr.
Jose Rizal at ng ating bayan.