MAKASAYSAYANG ARAW sa Pilipinas ang Setyembre 13, 2003. Naglalabas
tayo ngayon ng isang natatanging isyu ng Tinig.com bilang pagsasaalang-alang
sa araw na ito.
Una'y sapagkat ito ang ika-100 kaarawan ni Gat. Amado V. Hernandez,
aktibista, makata, peryodista, nobelista, kuwentista, at mandudula.
Si Ka Amado ay gumamit ng panitikan at peryodismo upang isiwalat ang
kalagayan ng lipunang Pilipino: ang kawalan ng tunay na kalayaan at
ang pagkakapailalim sa neokolonyalismong Amerikano, ang malawakang
kawalan ng katarungang panlipunan, pagkakabilanggo ng mga nagsusulong
ng matwid, at kasibaan ng mga pulitiko at mayayaman. Nararapat ang
pagkakahandog sa kanya ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining ng Panitikan
noong 1973 sapagkat ang kanyang mga akda, bukod sa mahuhusay, ay matapat
na sumasalamin sa karanasan ng sambayanang Pilipino at maaaring kapulutan
ng maraming aral sa pagpapanday ng pambansang kapalaran magpahanggang
nagyon, di tulad ng naglisaw na mga panoorin sa telebisyon na aywan
kung bakit sikat na sikat ay wala namang katuturan.
Lumahok din siya sa mga kilusang aktibista sa malaking bahagi ng
kanyang buhay. Nagdusa siya sa bilangguan dahil dito at sa isang yugto
ng kanyang buhay sa Muntinlupa'y ibinartolina pa siya, ngunit lalo
lamang tumatag ang kanyang paninindigan dahil dito. Dinala niya ang
naglalagablab na paninindigan hanggang sa kanyang pagpanaw. Sa ganito'y
malayo siya sa naglipanang pulitikong kayhihilig magmalaking sila'y
minsang naging mga radikal, tulad niyaong nakaupo sa Malacañang
na ngayo'y tagapagsulong ng globalisasyon.
Bukod sa mga akda tungkol sa dakilang manunulat at aktibistang si
Ka Amado, hinahandugan din namin kayo ng ilan niyang akda.
Nais naming humingi ng taos-pusong paumanhin sa mga umaasang makakikita
silang muli ng larawan ng grupong F4 sa isyung ito, lalo na't sa Setyembre
13 ay may konsiyerto sila sa Maynila. Sa aming abang palagay ay labis
na ang atensiyong nagugugol sa kanila at hindi tuloy napapansin ang
isang Amado V. Hernandez na di hamak namang lalong malaki ang ambag
sa ating kultura't kasaysayan. Kung kami ang tatanungin, wala namang
gaanong mawawala sa isang di makapanood ng konsiyerto ng F4, ngunit
kahiya-hiyang talaga kung ni minsan sa buo niyang buhay ay hindi niya
mababasa ang pangalan man lamang ni Amado V. Hernandez.
Ikalawa'y ito ang huling araw ng Fifth Ministerial Meeting ng World
Trade Organization (WTO) sa Cancun, Mexico. Tulad ng iba pang pulong
ng WTO, layon ng pulong sa Cancun na higit pang pag-ibayuhin ang pagpasok
ng mga puhunan ng mauunlad na bansang tulad ng Estados Unidos sa mahihirap
na bansang tulad ng Pilipinas. Ang lahat ng kasunduan sa ilalim ng
WTO ay ganito ang batayan.
Ang pangunahing tagapagsulong ng pagpasok ng Pilipinas sa WTO noong
1994 ay ang noo'y Sen. Gloria Macapagal-Arroyo, na mahilig magkuwentong
dati siyang aktibista, bago magkabatas militar. Aniya noon, magdudulot
ito ng ibayong kaunlaran sa Pilipinas.
Sa ilang artikulo sa isyung ito, malalaman natin kung tunay ngang
pinaunlad tayo ng ating pagpasok sa WTO.
Narito pa rin naman ang iba pang akda ng mga kabataang manunulat
tungkol sa iba't ibang bahagi ng buhay-kabataan.
Pagsalu-saluhan natin ang Tinig.com v35.

ALEXANDER MARTIN REMOLLINO
Kapatnugot, Tinig.com