KATULAD ITO ng maraming umaga. Naalimpungatan ako sa pagkalampag
mo ng kawali at siyanse, sa pagsirit ng sinangag at pagbuhos ng tubig-gripo
sa palanggana. At tulad din ng dati, bumangon na ako at naghilamos
bago mo pa man ako tawagin.
At tulad din ng dati, nagtungo ako sa kusina upang tingnan kung natapos
mo na ang iyong niluluto. Pagkakakita mo sa akin, nagulat ka. Pagkakita
ko naman sa iniluluto mong almusal, napansin kong pang-isahang tao
lamang ito. Tinanong kita kung bakit kaunti ang iyong sinangag. Ngumiti
ka, at sinabi mong napakasarap ng niluto mong tapa, at magugustuhan
ko ang pagkakasangag ng kanin. Na mula sa umagang ito, mag-isa na
lamang ako sa aking almusal. Pagkasabi mo noon, tumalikod ka at lumabas
ng pinto.