MAIKLING KUWENTO
Rotary Torso

"PARA SAN 'to?"

Sa mga natitirang buhok ni sir Shaggy, ganun na rin siguro halos ang bilang ng pagkakarinig ko sa tanong na 'to. Pero wala akong magagawa kung di sagutin ang mga 'to. Kasama kasi sa trabaho.

"A, sir, 'yan po ang Rotary Torso! Okay po 'yan! Pampatanggal ng bilbil!" sabi ko sa panglabindalawang kliyenteng hinawakan ko ngayong araw, sabay demo sa harapan niya.

"Aba'y ayos 'to! Ayos 'to! Kelangan ko 'to!" sagot naman ni sir Shaggy na tuwang-tuwa nang malamang makakatanggal ito sa kanyang mga taba sa gilid ng kanyang lo waist na tiyan.

Ang Rotary Machine o "Bilbil" Machine ang isa sa pinakagamit na weights machine sa gym. Para sa mga lalakeng may puson, sa mga babaeng mukhang nagbubuntis ng isang batalyong tiyanak, sa mga tatay na nakalunok ng bowling ball, sa mga nanay na may suot na salbabidang gawa mula sa interior ng ten wheeler na trak, sa mga matronang may sandamakmak na humps sa katawan, sa mga teeny boppers na may 200 % body fat at para sa mga chikiting na napabayaan sa kusina, etong makina ang kanilang maaasahan para dumating ang araw na masasabihan sila ng kanilang kapamilya, kabarkada, kaibigan o kaaway na " Uy, pumayat ka a!"

Sa wakas at tapos na rin si sir Shaggy. Napailing na lang siya sa magkahalong sakit at sarap na naramdaman. Inapiran ako ni sir sabay diretso sa fountain drink. Tinignan ko ang oras. Lunch break na! Matapos magtrabaho para sa pagpapayat ng mga tiyan ng iba, tiyan ko naman ang aatupagin ko.

Inalis ko ang name tag ko na nakasabit sa leeg ko sabay tuck out ng uniform para makaramdam ang mga kliyente na break ko na't makaiwas sa pagiging spotter boy. Naglakad ako palabas. Nasalubong ko ang iba kong mga katrabaho't sa bawat salubong sa'kin ay hinihimas nila ang kanilang tiyan para sabihing "kain ka?" kahit alam naman nilang kakain nga 'ko. Ewan. Siguro awtomatik na lang talaga na ganun ang sistema tuwing lalabas ka para magbreak. Ilang hakbang na lang ang layo ko mula sa pinto nang biglang may sumitsit.

"Pogi!"

Tatlo kaming lumingon. Ako, isang pamintang may mala-Paquito Diaz na bigote, at co-trainer kong sikat sa tawag na "Macho Man".

Siyempre, ako 'yung tinawag.

Lumingon ako para tignan kung sino ang tumawag sa middle name ko. Laking gulat ko dahil si Ms. Rose, ang pinaka-iniiwasang kliyente sa buong buhay ng mga taga-gym. Kilala siya bilang masungit, matapobre at sa kanyang mala-bruhang hairstyle. Kahit na dinidiktahan na'ko ng sikmura ko na lumabas na ng pinto, lumapit pa rin ako kay Ms. Rose na sa pamamagitan ng kanyang mga kamay ay sinusuklay-suklay ang tila tutong sa araw na buhok.

"Yes, mam?"

"Pa-assist!."

Wala akong nagawa kung di sumunod. Mabilis na naglakad si Ms. Rose, papuntang gym area na talaga namang ikahihiya mong makatabi dahil sa kakaibang hairdo. Ayaw mo mang tignan pero para na 'tong magnet na nakaka-agaw pansin. Nag-walkathon na'ko para lang makasunod kay Ms. Rose. Pinagtitinginan ako ng mga taong nasasalubong ko't parang ipinagdasal na nila ang aking kaluluwa. Parang kinakausap nila ako sa isip at pinagpayuhan na huwag na huwag akong magkakamali sa mga kilos at pananalita ko't kung di ay siguradong ma-machine gunin ako ng mga panunumpa ng reyna ng mambabarang. Huminto si Ms. Rose at humarap sa'kin ng may pinakamasamang simangot na nakita ko sa'king tanang buhay. Lumapit ako. Kinamot muli ni Ms. Rose ang kanyang bumbunan hanggang sa magkandabuhol-buhol na ang kanyang buhok na kahit mga kuto niya'y magtataka kung sa buhok ba talaga sila namahay. Biglang binanat ni Ms. Rose ang kanyang kaliwang kamay at may tinuro.

"Para san 'yun?"

Sinundan ko ng tingin ang tinurong direksyon ni Ms. Rose. Pagtingin ko, ang mahiwagang Rotary Torso. Wala pang dalawang minuto ang paghihiwalay namin pero eto na naman kami't i-dedemo siya kung paano gamitin. Sumampa ako't pinwesto ang sarili. Tumingin ako kay Ms. Rose pero hindi ko siya matignan ng mata sa mata kung kaya't sa 80's na Bon Jovi niyang buhok ako napatingin.

"A, mam, eto po ang Rotary Torso. Pampatanggal ng bulbol!"

Este bilbil.

Napatingin sa'kin si Ms. Rose. Lalong sumama ang simangot. Napalunok ako. Dahan-dahan siyang lumapit sa'kin. Napahigpit ang kapit ko sa Rotary. Anung idadahilan ko sa nasabi ko? Na mukha kasing bulbol na buhol-buhol ang buhok niya kaya bulbol ang nasabi ko kaysa bilbil? Pero wala ng oras para makahanap ng palusot. Dalawang dangkal na lang ang layo ni Ms. Rose sa'kin. Pinababa niya 'ko. Sinunod ko siya kaagad. Tinitigan niya ako ng masama sabay nilipat ang tingin sa Rotary Torso. Mga ilang sandali niya itong tinitigan. Pagkatapos ay binalik sa'kin ang titig na nakakatunaw sa sindak, sabay dahan-dahang gumapang ang inuugat niyang mga kamay sa may bandang baba ng kanyang puson.

"Kailangan ko 'to."

Umiwas ako ng tingin at nakita ko si sir Shaggy sa gilid na tatawa-tawa.

July 20, 2003

 

---------------

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan