HABANG
SINUSULAT ito, kasalukuyang nagaganap sa Cancun, Mexico ang Fifth
Ministerial Meeting ng World Trade Organization (WTO). Layon ng pulong
na ito ang kumbinsihin ang mga bansa ng Ikatlong Daigdig
na higit na luwagan ang pagpapapasok sa kani-kanilang ekonomiya ng
mga puhunan mula sa Unang Daigdig--sa pangunguna ng Estados Unido
na ngayo'y sinasalanta ng matinding krisis pang-ekonomiya at may disempleyong
umaabot sa 13% kaya't naghahanap ng higit na malaking pamilihan ng
mga produkto nito.
Kaugnay nito, magandang pag-aralan ang karanasan ng Pilipinas sa
ilalim ng WTO.
Pumasok ang Pilipinas sa WTO noong 1994 sa ilalim ng General Agreement
on Tariffs and Trade(GATT), na niratipikahan noon ng ating Senado.
Ang pangunahing tagapagsulong ng GATT ay ang noo'y Sen. Gloria Macapagal-Arroyo.
Aniya, uunlad nang husto ang Pilipinas sa pamamagitan nito.
Sa ilalim ng WTO, nasaksihan natin ang pagderegula sa industriya
ng langis, pribatisasyon ng mahahalagang serbisyo tulad ng tubig at
kuryente, liberalisasyon ng kalakalang pantingi (retail trade), at
higit pang maluwag na pagpasok ng mga produktong agrikultural mula
sa ibang bansa.
Walang katapusan ang pagtaas ng presyo ng LPG at gasolina, tubig,
at kuryente, dahil walang sagwil sa pagpepresyo at walang paniyak
na hindi aabuso ang mga kapitalista sa mga industriyang ito.
Sapagkat hindi nga maunlad ang ating ekonomiya, talung-talo tayo
sa kumpetisyon mula sa mauunlad na bansa. Ayon nga kay Ka Paeng Mariano
ng Bagong Alyansang Makabayan, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, at
Anakpawis, para tayong si Manny Pacquiao na lumaban ng boksing kay
Mike Tyson. Hindi ito nalalayo sa sinabi ni dating Pangulong Carlos
P. Garcia noon pang dekada 1950, na kapag maluwag na pinapasok nang
basta-basta ang puhunan mula sa mauunlad na bansa, para tayong sanggol
na nakipaglaban ng free-for-all na suntukan sa mga siga sa kalsada.
At nakikita naman natin ito. Dahil lamang sila sa teknolohiya, nakapagmamanupaktura
ang mauunlad na bansa ng mas maraming produkto sa mas murang gugol;
lumalabas na lalong nagiging mahal tuloy ang ating mga paninda at
natatalo sa pamilihan.
Sa una'y sinusuwerte ang mga konsiyumer. Ngunit sa kalaunan, ang
mga konsiyumer na mga manggagawa't magsasaka rin karamihan ang silang
dehado.
Dahil higit na mura ang produkto ng mauunlad na bansa, higit na malago
ang ating pag-aangkat kaysa pagluluwas. Labas nang labas ng bansa
ang ating salapi. Tuloy, nagkakaroon tayo ng walang katapusang trade
deficit at napipilitan tayong mangutang nang mangutang upang mapagtakpan
ito. Palaki nang palaki ang ating utang panlabas, na noong taong nagdaan
ay umabot na sa halos $70 milyon, kaya't bawat Pilipino'y nakasanla
na ang buhay at kaluluwa sa halagang P37,000.
At dahil kailangan nating magbayad nang magbayad ng utang, kakaunting
pera ang natitira sa mga serbisyo sosyal tulad ng kalusugan, edukasyon,
at pabahay. Kaya't napakarami ang maysakit na hindi nagagamot at napakaraming
bata ang tumatanda nang di man lamang nakakarating sa kahit Grade
1. Ito rin ang dahilan kung kaya walang mabiling murang bahay ang
mga tinatawag na "iskuwater" sa ating mga lunsod--nagyon
ba'y magtataka pa tayo kung bakit napakarami nila?
Ang malalim na pagkakautang natin ay siya ring sanhi ng walang katapusang
pagtataas ng presyo ng mga bilihin. Sapagkat walang patid ang paglabas
ng pera ng bansa, napipilitan tayong magtiis ng mataas na presyo kapalit
ng hindi pagkaubos ng ating reserbang salaping banyaga, lalo na ang
ating mga dolyar.
Ang napakatinding kumpetisyon naman ay humahantong din sa pagsasara
ng maraming lokal na kumpanya. Nagdudulot ito ng malawakang kawalan
ng trabaho.
Sa sektor pang-agrikultura, halos dalawang milyon na ang nawalan
ng trabaho mula 1994. Karagdagang tinatayang 690,000 pamilya sa kanayunan
ang naghirap dahil dito.
Sa sektor pang-industriya, mahigit nang 760,000 ang nawalan ng hanapbuhay
mula 1985--karamihan ay mula 1994 hanggang 2003. Nito lamang 2002,
araw-araw ay may nagsasarang sampung lokal na kumpanya, at araw-araw
ay mahigit sa 200 manggagawa ang nawawalan ng hanapbuhay.
Ito ang kaunlarang napala ng Pilipinas sa pagpasok sa WTO.
Sa harap ng ganitong mga katotohanan, lumilitaw na matwid ang panawagan
ng Bagong Alyansang Makabayan na ibasura ang WTO.