BILANG PAGGUNITA sa sentenaryo ng kaarawan ni Gat Amado Vera Hernandezmakabayang
makata, kuwentista, mamamahayag at pambansang alagad ng siningisang
palatuntunan sa radyo ang naglaan ng oras para alalahanin ang kanyang
buhay, mga obra at pakikibaka para sa uring manggagawa at malawak
na sambayanan.
Ipinanganak noong ika-13 ng Setyembre, taong 1903, si Hernandez ay
nakilala sa mga nobela niyang Mga Ibong Mandaragit at Mga
Luha ng Buwaya. Siya naging editor ng pahayagang Mabuhay, Makabayan
at Ang Masa. Siya'y isa ring bantog na militanteng lider-obrero
na nagtatag ng Congress of Labor Organizations (CLO), isang pederasyon
ng mga unyon.
Sa isang espesyal na pagtatanghal noong ika-12 ng Setyembre ng "Music
Magazine," isang pang-umagang palatuntunan sa radyo, hinimay
ang naging kontribusyon ni Ka Amado sa pagpapaunlad at pagpapalawak
ng sining at panitikang Pilipino.
"Mahalaga at napapanahon ang ganitong programa sa radyo para
higit pang maipakilala si Ka Amado sa mga kabataan, lalo na dito sa
Laguna," wika ni Dennis Espada, co-coordinator ng Pahina, isang
network ng mga malikhaing manunulat sa Laguna.
Ayon kay Espada, "sa gitna ng laganap na katiwalian at kaisipang
kolonyal, mahalagang humugot kay Ka Amado ng aral at inspirasyon para
aktibong pukawin ang sarili na maintindihan ang panlipunang riyalidad."
Sa napakabihirang pagkakataon ay muling narinig sa himpapawid ang
klasikal at walang-kamatayang mga obrang tula ni Ka Amado gaya ng
"Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan,""Isang Dipang
Langit" at "Lupa" na sumasalamin sa pakikibaka ng sambayanan
laban sa dayuhan at lokal na mapagsamantalang uri noong dekada singwenta
hanggang sisenta. Ang naturang mga tula ay binigkas sa radyo ni Alexander
Martin Remollino ng Tinig.com.
Ang "Music Magazine" na pinangungunahan ni DJ Red, ay mapapakinggan
tuwing Lunes hanggang Biyernes, ganap na 10:30 hanggang 12:00 ng tanghali
sa Rnb 92.7 FM Manila Broadcasting Company-Radyo Natin, isang lokal
na istasyon ng radyo na matatagpuan sa Binan, Laguna.