banayad mong haplusin ang aking buhok gaya ng paghaplos
mo sa dungis sa mukha ng batang musmos
hagkan mo ang aking mga labi gaya ng hagkan
mo ang landasing mapagpalaya
yakapin mo ako ng buong higpit gaya ng
pagyakap mo sa makauring linya
dahan-dahan mong hubarin ang saplot na aking suot gaya ng
hubdan mo ng kaapihan ang masang pinanawan ng pag-asa
romansahin mo ako ng ubod ng lambing gaya ng
romansa ng pighati at pasakit
i-ulos ang sandata ng buhay gaya ng pag-ulos ng
kamalayan sa iyong kaisipan
angkinin mo ang aking katawan gaya ng angkinin mo
ang gawaing rebolusyunaryo
umungol ng buong laya gaya ng malayang mga
tinig at sigaw ng pakikibaka
at sa dulo, sabay nating abutin ang sukdulang langit
na ating parehong pinangarap