TULA
Ang Parabula ng Katapusang People Power

Iniisip marahil ng karamihang mga Pilipino na ang noo'y pinag-uusapang giyera ay magaganap lamang sa malalayong mga lupalop. Hanggang iniulat ng mga pahayagan nang umagang iyon ang napipintong pagkagunaw ng Metro Manila.

Isang higanteng nuclear warhead ang di-umano'y inilihis ng kung anong heo-magnetikong puwersa palayo ng Gitnang Silangan, na siyang orihinal nitong pakay, at sa halip, ayon sa mga kalkulasyon, ay babagsak sa Kamaynilaan sa ganap na alas diyes ng gabi ding iyon. Tinatayang iiwan nitong isang dambuhalang hukay ang siyudad at magluluwal ng kataklismong lilipol sa halos tatlong kapat ng pambansang populasyon.

At hinihintay ng mga pinuno, sa gitna ng tumatangis na mga rosaryo, ang bagwis ng kaligtasang liliwayway mula sa Kanluran. Ngunit wala umanong lakas ang Amerika laban sa kilos ng Kalikasan. Natapos ang isang dakilang pagkakaibigan nang araw ding iyon. Sapagkat sa oras ng katapusan, anong pang pakinabang ang maidudulot ng mga tratado?

Katanghalian na noon nang pumutok ang balitang pinapasok ng mga mamamayang gusgusin at nakayapak ang mamahaling mga hotel at restawran. At sila'y pinagsisilbihan bilang mga importanteng bisita, nagpipista sa mamahaling pagkain at nagsi-siyesta sa malalamig na mga bulwagan. Sapagkat sa oras ng katapusan, ano pa nga ba ang halaga ng tubo at kapital?

Sa mga asyenda nama'y magkasamang nagmi-minindal ang panginoong maylupa at ang magsasaka sa lilim ng mga ektarya, at hindi nila pinag-uusapan ang ani. Sapagkat sa oras ng katapusan, ano pa nga ba ang halaga ng lupa?

Anupa't sa dapithapo'y nagsibabaan na rin ang ating mga hukbo mula kabundukan at nakangiting bumubulalas ng "Gabi na Kumander!" Sapagkat sa oras ng katapusan, para saan pa nga ba ang digmang bayan?

Sa Maynila, ang sangkatauhan ay bago pa lamang nagigising, walang iniwan sa mga bilanggong ngayo'y pila-pilang lumalabas ng selda't bartolina bilang mga isang-araw na parolado. Sa mga kalye'y magkayakap ang magkakaanak at ang di-magkakilala'y matamang nag-uusap. Ang mamang ito ay ngayon lang nagka-panahong makipag-ahedres sa plasa. Ang inang iyo'y may mga anak na di na mangangailangan ng baon sa eskwela. At masdan ang mga sasakyang abandonado sa mga kalsada! Alas sais ng hapo'y nagdeklara ang pangulo ng panghabambuhay na moratorium sa pagtaas ng presyo ng langis. At ang buong sambayanan ay inanyayahang bumuhos sa Luneta upang doo'y panoorin ang pagsambulat ng mga kuwitis sa ganap na alas diyes ng gabi.

Ngunit dumatal na at lumipas ang hatinggabing may samyo ng ilang-ilang: kataka-takang ang inaasahang mga bola ng apoy ay hindi dumating.

Kinabukasan, laman muli ng mga pahayagan ang kung anong heo-magnetikong puwersang himalang nagpabago sa trajectory ng bomba at maluwalhating nagpabagsak nito sa malayong lupalop ng Gitnang Silangan.

---------------

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan