TINIG
Sana Guwapo Ako

LORD, SANA matigil na ang mga kaguluhan sa Pilipinas. Ang ekonomiya ng Pilipinas ay bumagsak na dahil sa pag-aaklas. Sana talaga, umunlad na ang Pilipinas. At sana, guwapo ako.

May nagtanong sa akin dati kung sino ang mas pogi: si Jerry Yan ba raw o si never-gonna-stop-never-ever-stop-ain’t-gonna-give-you-up Vanness Wu? Sinagot ko na lang, “Ewan. Hindi ko naman pinapansin ang F4.” Pa’no ko kaya sasagutin iyon kung biniyayaan ako ng Maykapal ng kaguwapuhan? Siguro ang lumabas sa butsi ko no’n, “Mas cute ako, hehe.”

Kung sinabi ko iyon at hindi ako guwapo, di sangkatutak na ‘kapal’ ang umaligid-ligid sa isipan ng babaeng iyon? Tsk. Ang hirap ng hindi guwapo. Buti na lang mayroon akong angking talino. Sa kung saan na lang ako pupulutin kung walang laman itong utak ko. Doon naman ako madalas pinapansin eh, kasama ng aking mga talento. “Lagsh, ang galing mo.” Pero, Lord, sana talaga guwapo ako. Gusto kong marinig, “Lagsh, ang cute mo! [Marry me!]”

Lord, sadya bang ang kapalaran ko’y ganito?

Ate Bernadette, gusto ko sanang tulungan ang pinsan kong namomroblema sa kanyang pag-aaral dahil working student siya. Wish ko lang magkaroon siya ng scholarship, kahit sa STI lang. At wish ko lang, guwapo ako.

Iyong kaklase ko noong haiskul, naidedeklara niya na pogi siya. Kaya naman ang yabang ng aura niya. Nakakainis! Iyong gusto mong batukan sa sobrang pagkahambog.

Pero sana ako rin guwapong katulad niya. O kaya mas guwapo pa sa kanya.

Kahit sinong babae nalalapitan niya, kasi alam niya na guwapo siya. Hindi na siya nagdududa pa kung nagmumura ang babaeng kinausap niya pagtalikod niya o kung hindi. Kung may maiinis mang babae sa kanya’t sinabihan siya, “Ang feeling mo,” may panlaban siya kaagad.

“At least guwapo.” O kaya, “Guwapo pa rin.”

Guwapo ba siya talaga? No comment. Basta’t gusto ko, guwapo ako. Promise, hindi ako magmamayabang katulad niya... pero puwede rin. Kung mayamot man sila sa aking kaguwapuhan, nandyan pa rin naman ang katalinuhan. Kahit hindi ako valedictorian, may binatbat naman ako kahit papaano. Active pa ako sa mga extra-curricular na bagay.

Hayan na naman ako! Hinahanapan ko na naman ang sarili ko ng mga dahilan para maipagmalaki ang sarili. Kung alam kong guwapo ako, di kuntento na ako.

Kuya Willie, hindi tinupad ni Ate Bernadette ang wish ko. Ikaw na lang sa Willingly Yours. Sana magkaroon na ng sariling computer unit ang kuya ko sa Diliman para hindi na siya umuuwi dito sa amin sa Pampanga araw-araw para mag-type ng mga homework niya sa Journalism. At sana, guwapo ako.

Iyon bang tipong lady at bading killer? Iyong maraming nagnanasa sa iyo? Iyong kulang na lang eh gusto kang i-corner sa may CR para molestiyahin? Iyong nakaka-uno ka sa mga subject kung saan ang teacher ay bading? Iyong tipong aabangan ka lagi araw-araw para makumpleto ang araw nila? Iyong tipong isang daan mo lang naglalandi na sila? Iyong laman ka lagi ng mga daydream ng mga nagnanasa? Iyong hindi ka nahihiyang makipag-EB o makipag-blind date? Iyong lagi kang ginagayuma’t kinukulam? Iyong puwede ka na sa showbiz? ‘Know what I’m sayin’?

Syet. What’s happening to me? Puro ako sana. Alam ko naman hindi iyon matutupad ni Willie. Ni Bernadette. Ni Lord.

Sana talaga guwapo ako. Kahit pa may utak ako.

Iyong ibang babae sa mga pageant, ang paplastik. Kesyo mas pipiliin daw ang talino kaysa sa kagandahan. Asus! Nagpakipot pa, eh gustong-gusto naman na maganda sila, kahit na hindi marunong mag-Ingles. Idol ko nga iyong isang contestant. Sinagot niya beauty, kasi daw ang talino puwedeng makuha sa sipag at tiyaga.

Iyong kayang mga guwapong hindi masyadong magaling sa pag-aaral? Siguro wish naman nila matalino sila. Trade? Huwag na. Puwede pa sana noong maliit pa ako. Kasi nga, puwedeng maangkin ang talino.

Eh pa’no iyong mga artistang guwapo na kahit walang alam ay kumikita ng pera sa showbiz? Tsk. Itchampeyr.

Haaaay... Dapat siguro makuntento na ako. After all, kung walang mga taong hindi guwapo, wala ring taong guwapo. Heto na naman ako! Naghahanap ng pampakalma.

Ipagdarasal ko na lang na sana tumigil na sa pagluha ang ating mga kababayan sa Mindanao... At sana...

---------------
Si Jason, isang mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas, ay hindi naman talaga nanonood ng Willingly Yours. Pero wish niyang sana talaga umunlad na ang Pilipinas.

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan