ISA SA mga katangian ng Internet na gustung-gusto ko ay ang kalayaan
sa pamamahayag na kaakibat ito, at ang open source system sa computer
at Internet programs. Sa open source programming, nabibigyan ng karapatan
ang iba na gamitin ang datos na pinangsikapang buuin ng isang tao
o grupo, basta ilalagay ang sapat na pagkilala sa orihinal na gumawa,
at ibabalik sa community ng programmers ang codes ng bagong program
na nalikha mula sa orihinal.
Samantala, dahil sa pagba-blog ay nalilikha ang mumunting pamayanan
ng bloggers. Sa pagpapalitan ng impormasyon, idinidikta ng netiquette
o "common courtesy online and the informal "rules of the road" of
cyberspace" (Albion.com)
ang batayang respeto at pagkilala sa karapatan at copyright ng mga
sumulat sa kanyang material kaya kinakailangang i-credit ng isang
blogger sa orihinal na may-ari ang anumang bagay na kinuha sa ibang
site.
Noong isang buwan, may nag-contribute sa Tinig.com
at sa pag-scan sa artikulo niya ay natuwa ako. Kako'y ilalabas ko
ito. Nakakaaliw at witty pero di ko maipaliwanag kung bakit pamilyar
ang estilo. Luminaw ang lahat nang dumating ang e-mail ni Alex,
ang Kapatnugot ng Tinig.com. Sinabi niyang artikulo ni Pete
Lacaba ang ipinasa ng contributor na 'yun. Nang i-text ko ang
contributor kung orihinal na composition niya ang kanyang ipinasa,
sabi niya'y "ideya nila ng mga kasama." Hindi niya kailanman inamin
na hindi sa kanya kundi kay Pete Lacaba ang artikulong inaring kanya
at ipinasa sa Tinig.com. Sa ginawa niyang iyon, maaari siyang tawaging
isang cybermagnanakaw!
Sa pamamasyal ko naman sa cyberspace, nasaksihan ko ang galit ng
mga nabiktima ng isa pang cybermagnanakaw: si Keiko.
Ninenok niya ang posts nina Gabby,
Ara,
Pam,
Twinkle, at
iba pa.
Bisitahin ninyo ang kanilang blogs at ikumpara sa entries ni Keiko.
Walang kahiya-hiya niyang kinopya at kung kailanga'y pinapalitan pa
ang pangalan ang mga tauhan sa entries ng mga pinagnakawan niya. Hindi
ko ilan kung ilang bahagdan ng entries ni Keiko ang ninakaw lamang
niya.
Naiintindihan ko ang sama ng loob ni Gabby
nang isulat niya ang mensahe para sa cybermagnanakaw:
Bugbog-sarado rin Keiko sa tag board ng group
blog niya at ng kanyang mga kaibigan.
Panahon nang maging mulat ang mga netizens sa netiquettes na kinabibilangan
ng tamang pagbibigay ng credit o attribution sa mga impormasyong nagsi-circulate
sa Internet.
Naalala ko ang "Adventures
sa Kawatanan ng Rentas Internas" ni Jol
na kumalat sa Internet pero ni hindi nai-credit sa kanya o sa Peyups.com,
na unang naglabas ng ng artikulo, at Tinig.com
na sumunod na naglathala nito. Ginamit pa ito ng isang kolumnista
sa diyaryo na hindi man lamang nag-extend ng extra effort upang alamin
kung sino ang may-akda.
Ako man ay nabiktima rin nang kumalat ang aking "Sa
Alaala ni Shaider" at na-post pa sa isang blog
na nakapangalan sa ibang tao. Sa kapapasa sa e-mail, ganyan din ang
nangyari sa ilang articles ni Mark Macapagal ng Manila Times, sa "Yan
bang natutunan mo sa UP?" ni Limpbwizit
at sa iba pang mga nakakatuwang article na sumikat sa Internet.
Sana lang, matuto tayong rumespeto sa likha ng ibang tao. Oo, naniniwala
sa sinabi ni Milo ng AntiTrust
na "information belongs to the world" pero naniniwala rin ako sa kasabihang
"give credit where credit is due."