NOONG HULYO 27, nagsagawa ng pag-aaklas sa isang otel sa Makati na
ngala'y Oakwood ang may halos 300 sundalo ng pamahalaan, kabilang
ang 70 nakabababang opisyal.
Ang limang kinikilalang pinuno ng pag-aaklas ay hindi basta-bastang
mga tao. Sina Kap. Gerardo Gambala at Lt. SG Antonio Trillanes IV
ay kapwa nagtapos nang may karangalan sa Philippine Military Academy
noong 1995. Si Kap. Milo Maestrecampo naman, bagama't hindi tumapat
kina Kap. Gambala at Lt. SG Trillanes sa akademikong pahusayan sa
akademya militar, ay nagtamo na ng 17 medalya sa loob ng walong taon
lamang sa serbisyo militar.
Ano ang nagtulak sa kanila upang halos ay itapon ang natamo nilang
mga karangalan, sa akademya militar man o sa serbisyo militar? Dala
nila sa Oakwood ang pagtutol sa katiwalian sa militar, sa pag-uutos
nina Angelo Reyes, Kalihim ng Tanggulang Pambansa at Victor Corpus,
dating hepe ng Intelligence Service, ng pagbomba sa Davao; at sa diumano'y
balak ng pamahalaan na magdeklara ng batas militar ngayong buwan.
Ang katiwalian sa militar ay isang usaping hindi maitanggi ng pamahalaan
at maging ng mismong militar. Hindi iilan sa militar ang nagtangkang
iwasto ito: halimbawa'y sina Philip Pestaño at Guillermo Wong.
Parehong walang kinahinatnan ang kanilang mga pagtatangka: natagpuang
bangkay si Pestaño matapos na isiwalat ang pagkakasangkot ng
Philippine Navy sa katiwalian, habang si Wong naman ay inalis sa kanyang
puwesto matapos na tuligsain ang mga anumalya sa Philippine Marines.
Ang pagbomba naman sa Davao, na ayon sa mga sundalong nag-aklas ay
isinagawa upang bigyang-katwiran ang pagdedeklara ng batas militar,
ay hindi naman mahirap na paniwalaan kung titingnan ang kasaysayan
ng pagbomba sa Plaza Miranda at pagtambang kay Juan Ponce Enrile noong
dekada 1970. Tila lalo pa itong pinatutunayan ng isiniwalat ng limang
lider ng pag-aaklas na nang bombahin ang Davao ay naroon si Corpus.
Kitang-kitang may batayan ang mga usaping dinala ng mga sundalong
nag-aklas. Hindi kami sang-ayon sa pamamaraang ginamit nila-kailanma'y
hindi mapagkakatiwalaang kaparaanan ang isang kudeta sapagkat makapagbibigay
ito ng lubhang kapangyarihan sa militar na isang mapanganib sapagkat
armadong puwersa-subalit nakikita namin ang katwiran sa likod ng kanilang
mga hinaing.
Sa aming palagay, higit pa sa pag-alam kung sino ang mga nasa likod
ng pag-aaklas, mahalaga ang paglutas sa mga ugat nito. Hindi natin
masisisi sa isang banda ang mga sundalong nag-aaklas kung malinaw
nilang nakikitang ipinapain sila sa walang katuturang mga digmaan,
tulad ng napakahaba nang labanan sa Mindanaokung saan ang mga
ipinapapatay ng pamahalaan, ayon kay Maestrecampo, ay mga taong ang
mga kalyo sa paa ay makakapal pa sa kanyang mga kalyohabang
nagpapakabundat sa nakaw na yaman ang kanilang mga heneral at ang
matataas na opisyal ng pamahalaan, at nakalawit na nga ang mga lamang-loob
mula sa mga sumabog na tiyan ay laklak pa nang laklak.
Habang sinusulat ito'y iniimbestigahan diumano ng isang binuong Feliciano
Commission at ng Senado ang mga usapin sa likod ng pag-aaklas. Subalit
sa yugtong ito pa lamang ay maliwanag nang walang kahihinatnan ang
lahat. Pilit na inilalayo ang pagsisiyasat sa mga usaping dinala ng
mga nag-aklas at itinutuon ang diskurso sa halos ay walang kuwentang
mga detalye. Ang mga hawak na katibayan nina Trillanes ay ayaw pansinin,
at minsan pa'y makikita nating hinaharang ang mga testimonya nila
kung ang mga ito'y nagiging lubhang maselan, halimbawa'y ang tungkol
sa pagbomba sa Davao.
Makikitang maliwanag na hindi hangad ng mga pagsisiyasat na ito ang
pagsisiwalat sa katotohanan; kung may hangad mang isiwalat ang mga
ito, yao'y mga paraan kung paano haharangin ang katotohanan. Ginagamit
ng mga nasa luklukan ng kapangyarihan ang diumano'y mga pagsisiyasat
upang hadlangan ang anumang pagtatangka sa reporma.
Ang bayan ay tinatarantado ng kanyang mga pinalalamon.
Kapag ganito nang ganito, hindi natin masisisi ang mga sundalong
magpapasyang sumunod sa mga yapak nina Maestrecampo, Trillanes, at
Gambala; at lalo nang hindi masisisi ang mga susunod sa mga yapak
ni Crispin Tagamolila, isang opisyal ng militar na sumapi sa New People's
Army at doon na binawian ng buhay.