MULA SA PATNUGOT
Panggigipit Kay Tina Panganiban-Perez

NAGIMBAL ANG buong larangan ng peryodismo sa Pilipinas nitong nagdaang ilang araw, matapos ang isang hapunan sa Oriental Mindoro nitong nagdaang Biyernes, Agosto 15. Datapwat di sa hapunan nagimbal ang pabatirang madla.

Nagimbal ang mga mamamahayag dahil sa nangyari sa hapunang iyon. Nasa Microtel Inn Inn and Suites sa Calapan ang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kasama ang mga mamamahayag na nakatalaga sa Malacañang. Ang Oriental Mindoro ang huling bahagi ng lilimahing-lalawigang paglilibot ng pangulo, at iyo'y iniuulat ng mga mamamahayag.

Pumuwesto ang pangulo sa may hapag ng mga mamamahayag at nagsimulang magsalita habang tumititig nang masama kay Tina Panganiban-Perez, tagaulat ng GMA-7. Ang pakikipagpanayam daw ni Panganiban-Perez kay Sen. Gregorio Honasan, na hinihinala ng pamahalaang may kinalaman sa pag-aaklas ng mag 300 sundalo sa Makati noong Hulyo 27, ay "pagtulong sa rebelyon."

Sinagot ito ni Tina Panganiban-Perez, na nagsabing ito'y ginawa niya noong Agosto 12, nang binawi na ang state of rebellion na ipinahayag ng pangulo noong Hulyo 27. Ngunit ipinilit ng pangulo na yao'y noon daw umiiral pa ang state of rebellion.

Nang sabihin ni Panganiban-Perez na ginagawa lamang niya ang kanyang trabaho, sinabihan siya ng pangulo ng, "Talaga?"

Nang ipaliwanag ni Tina Panganiban-Perez na ang pakikipagpanayam na yaon ay may basbas ng GMA-7, inatasan ni Macapagal-Arroyo si Maita Jimenez, isa sa kanyang mga tagapayo, na agad na ugnayan ang pangasiwaan ng naturang himpilan.

Mayroon pang pamimilit ang pangulo na nakita ng mga tiktik si Panganiban-Perez kasama ni Sen. Honasan kaya siya sinita.

Napanood namin ang pakikipagpanayam ni Tina Panganiban-Perez kay Sen. Honasan. Kitang-kita namin kung paanong naging napakaingat ni Panganiban-Perez sa pagtatanong. Itinuon niya ang pakikipagpanayam sa kalagayan ng nagtatagong senador, at inilayo niya ang usapan sa kasong rebelyong inaasahang isasampa laban sa kanya.

Umani ng malawakang pagkundena mula sa mga pahayagan at mula sa mga organisasyong Media for Peace at National Union of Journalists of the Philippines ang ginawa kay Tina Panganiban-Perez.

At nararapat lamang naman. Sapagkat wala ni katiting na batayan ang akusasyon kay Tina Panganiban-Perez, na nanggaling sa isang inaakala pa namang matalinong tao ng marami at ipinalalagay pa ng ilan na isang pantas. Sa kanyang pakikipagpanayam kay Sen. Honasan, ni minsa'y hindi nagbigay si Panganiban-Perez ng kahit kapirasong pahayag o pahiwatig na siya'y sang-ayon sa anumang "rebelyon."

Samakatwid ay walang anumang batayan ang paratang ng henyo't kagalang-galang na pangulo ng bansa na si Tina Panganiban-Perez ay "tumutulong sa rebelyon." Talagang ginagawa lamang niya noon ang kanyang trabaho, at walang karapatan ang sinuman—ang pangulo man ng Pilipinas o kahit si George W. Bush na siya yatang itinuturing na Bathala ni Macapagal-Arroyo—na paratangang "tumutulong sa rebelyon" ang tagaulat ng GMA-7 nang mga panahong iyon.

Tinangka ng mga robot na tagapagsalita ng pangulo—sina Milton Alingod at Rigoberto Tiglao—na ayusin ang gusot na ginawa ng kanilang kasike. Samantalang dedikado raw ang pamahalaan sa pangangalaga sa kalayaan ng pabatirang madla, pinangangalagaan din daw nito ang pambansang seguridad.

Ito'y isang pangangatwirang hindi hahangaan ninuman kundi ng mga pinakahangal na taong nabuhay sa buong kasaysayan ng daigdig, sapagkat ang pakikipagpanayam ni Tina Panganiban-Perez kay Sen. Honasan, sa paraan ng pagkakagawa niya rito, ay walang anumang idinulot na panganib sa seguridad ng bansa.

Ang tunay pa ngang panganib sa seguridad ng bansa ay ang kasikeng ipinagsasalita ng mga alilang sina Saludo at Tiglao.

Ang pabatirang madla ay isang mahalagang bahagi ng alinmang bansa sapagkat isinisiwalat nito ang mga pangyayari sa mga mamamayan, at sa ganito'y naiimpluwensiyahan nito ang kanilang mga kapasyahan ukol sa pagpapanday ng pambansang kapalaran.

Ang ginawa naman ng pangulo kay Tina Panganiban-Perez ay may layong sindakin ang mga mamamahayag na kritikal sa kairalan—kahit sa pinakamunting paraan. Kung ang simpleng pakikipagpanayam sa isang itinuturing na kaaway ng pamahalaan ay itinuturing nang "pagtulong sa rebelyon," di lalo pang maaaring ituring na rebelyon ang pagpapahayag ng mga pananaw na tumutuligsa sa kairalan.

Sa ginawang ito ng pantas at kapita-pitagang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ang pabatirang madla sa Pilipinas ay nanganganib. At kapag nanganganib ang pabatirang madla ay nanganganib ang bansa, dahil sa mahalagang papel ng mga peryodista sa lipunan.

Hindi kailangan ng bansa ang ganitong panganib.


ALEXANDER MARTIN REMOLLINO
Kapatnugot, Tinig.com

---------------
Writer's Profile/Notes

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan