MAIKLING KUWENTO
Pare, Bakla si Jude

"PARE, BAKLA si Jude, yung anak ni Erap, yung action star dati, yung Vice President na ngayon." Yun ang sabi mo sa akin isang araw habang naghihintay tayo ng teacher. First year high school tayo noon. "Oo, sabi sa balita, syota niya raw si Dranreb, yung nasa That's Entertainment dati, sikat na child star daw siya noon, pero adik na siya ngayon." "Oo, tama, sila nga, bakla sila pareho, pare, bakla si Jude," sabay turo sa isang kaklase natin, kapangalan niya kasi si Jude, yung bakla, yung syota ng adik. Mga apat na taon mo rin siyang pagtatawanan, kasama ni Elsie, tatawagin mo siyang palaka, si Jepoy, na sasabihin mong kamukha ni Garfield na nagkaroon ng Down Syndrome, si Trina, yung kaklase nating katunog ng ari ng lalaki ang apelyido, pati ako, dahil minsan ay mga taong payat na naghihikab naman ang maiisipan mong pagtawanan. Di ko naman minasama, inisip ko na lang na ganun ka talaga. Mabait ka naman kung tutuusin, sabi ko, nagsasabihan pa nga tayo ng mga hinaing sa buhay, mga sama ng loob, kapag pareho tayong walang makausap. Ganun ka lang talaga siguro, sabi ko. Kahit nga ako'y nakikitawa sa mga inaasar mo, sa pagkakatanda ko. Ganun lang talaga. Di na tayo masyadong nagkita pagkatapos ng high school. Nadagdagan na rin ang timbang ko, nabawasan at nadagdagan at nabawasan uli, pagkatapos ay nagkita tayo sa SM. Tuwang-tuwa ka, at ako rin naman. Hiningi mo ang numero ko, may cell phone na pala ako noon. Hindi ko na nasabing pangatlong telepono ko na yun, na nanakawan na ako nang dalawang beses at pati pitaka'y nadukot na rin sa ilang pagkakataon, nagmamadali kasi tayo pareho. Nanonood ako ng palabas ni Korina Sanchez (na papalitan ng palabas ni Kris Aquino na papalitan ng palabas nina Boy Abunda at Kristine Bersola na papalitan ng Mexican Telenovela na papalitan ng Tsinovelang pinagbibidahan ng F4, yung Taiwanese na boyband) noong tumunog ang telepono ko. Ikaw yung nag-text. "Kamusta pare," sabi mo. "Okey lang," sabi ko. Tapos ay nagkumustahan tayo ng kung anu-ano at kung sinu-sino, ng mga dating kaklaseng nasa Amerika na, mga dating kaklaseng nabuntis, mga dating kaklaseng nag-asawa, mga dating kaklaseng matatapos na sa kolehiyo. Saka mo sinabing huminto ka na sa pag-aaral. "Trabaho muna," sabi mo. May sumunod agad na mensahe, "pare, magpapaalam na muna ako, di naman kasi akin itong telepono, sa girlfriend ko ito." Sumagot naman ako agad, "O, may girlfriend ka na pala," sabi ko. Mayamaya'y tumunog uli ang telepono ko, pero di ko natingnan ito agad. Nasa TV kasi si Dranreb, yung dating child star na dating adik na dating syota ni Jude, yung anak ng dating action star na naging Vice President na naging President na naging Ex-President. Sabi ni Korina, di na raw adik si Dranreb, di na rin daw sila ni Jude. Pero sabi ni Dranreb, sabi niya kay Jude "pare, kung nakikinig ka, kung nanonood ka pare, mahal kita pare, kahit ano'ng mangyari." Di ko matandaan kung ano yung eksaktong sinabi, magulo kasi magsalita si Dranreb, pero di na siya adik. Saka ko lang dinampot ang telepono. Siyempre'y sa iyo pa rin galing ang mensahe, sa telepono mong telepono pala ng girlfriend mo. "Kilala mo siya," sabi mo, "Si Elsie, yung kaklase natin dati, natatandaan mo ba siya?" Sa isip-isip ko, sabi ko'y "oo, si Elsie, yung tinatawag mong palaka dati? Yung inaasar mo kasama nina Jude, Jepoy, Trina, kasama ko?" Pero di ko na yun sinabi. Tumingin uli ako sa TV, andun pa rin si Dranreb, umiiyak siya, di ko alam kung dahil masaya siya o malungkot, pero sabi niya di na siya adik, kaya dapat masaya siya. Kinuha ko uli ang cell phone, pinindot ang mga letra sa keypad, ipinadala ang mensaheng "nasa TV si Dranreb, yung adik dati, di ba syota niya si Jude, yung bakla dati?" Hinintay kong sumagot ka, na sabihing "oo pare, bakla si Jude," pero hindi, hindi ka na sumagot. Hindi ka na nag-text gamit ang telepono ng girlfriend mo. Hindi na rin kita nakita simula noon. Pero si Jude, si Dranreb, yung iba, paminsan-minsa'y nakikita ko pa rin.

---------------
Si Vlad ay anak nina Armin at Susan, kasapi ng UP Ugnayan ng Manunulat (UP UGAT) at UP Writers Club; rumaraket din bilang lecturer sa Ateneo de Manila University. Ang kuwentong ito'y lumabas sa publikasyong 'Literary Apprentice Light' na iniliunsad ngayong Agosto.

Karapatang-ari © 2001-2003 Tinig.com
at ng mga may-akda
Reserbado lahat ang karapatan