KASAMA KO sa isang aircon bus si Marieton Pacheco. Papunta kami sa
Novaliches, dadalaw sa kanyang mga magulang na nagbayad ng kanyang
apat na taon sa Unibersidad para makapagtapos sa MassComm. Sabado
nang hapon at mataas na ang araw sa labas ng bintana, yung tipo ng
araw na nagyayaya sa mga balbas-saradong Pari ng Kalsada na umakyat
ng bus at ipagkalat ang Salita ng Diyos.
Nakaparada kami kung saan dating nakatayo ang People's Park. Hawak
ni Marieton ang aking kamay, at hawak ko ang sa kanya. Hawak niya
ang kamay ko na parang nakababatang kapatid ko siya, at pareho kaming
naglalakad sa loob ng isang haunted house sa Star City. Pinag-iisipan
ko na kilitiin ang kanyang palad nang tanungin niya ako tungkol sa
tatay ko.
"Close ba kayong dalawa?" Hinintay niya ang sagot ko nang
nakangiti.
"Hindi naman kami nangingisda kada-Sabado, o kung ano man. Kilala
niya kung sino'ng bagong girlfriend ko, at paminsan-minsan ay tinatawagan
niya ako, pero hanggang dun lang," sagot ko sa kanya, kalahati
dun, di totoo. Dati'y sabay kaming nangingisda ng tatay ko kada-Sabado,
sa tabi ng isang lawa sa Novaliches, na may baybaying dati-rati'y
dinadaan-daanan niya at ng kanyang motorsiklo nung bata pa siya't
nagrerebelde-rebeldehan. Maraming carpa at hito sa lawa na yun noon,
pero di puwedeng kainin. Inilalagay namin yung mga huli namin sa isang
timba ng tubig mula sa lawa, na pagkagat ng dilim ay dali-dali naman
naming ibinabalik. Nag-umpisa kami nung limang taon pa lang ako, at
tumigil lang kami nang nahirapan na kaming pumunta sa lawa, kung ano
mang mga palusot. Biro ko nga dati kapag Pasko sa bahay namin ay kung
paano naging malapit ang tatay ko sa anim na henerasyon ng isda sa
lawa na yun.
"Anung hitsura niya? Magkamukha ba kayo?" Kinakalikot ni
Marieton ang balbas ko. "Hindi, hindi kami magkamukha,"
ang sagot ko sa kanya. Matawa-tawa siya sa sagot ko, pagkatapos ay
bumalik siya sa pagkalikot ng balbas ko. "May balbas ba siya?"
Kinalikot ko ang makinis at kalbong baba ni Marieton, at pinag-isipan
kung ano pang parte ng kanyang katawan ang di tinutubuan ng buhok,
at ikinuwento ko sa kanya kung paano nagkuwento ang tatay ko tungkol
sa mga babae at ng kanilang pagmamahal sa mga balbas-saradong lalake.
Napapaisip kasi sila kung ano pang ibang parte ng katawan ng lalake
ang tinutubuan ng buhok. "Pero siyempre, kuwento lang yun. Ako
mismo, di naniniwala dun."
Tahimik na nakinig si Marieton sa kuwento ko. Dumungaw siya sa bintana,
pataas sa de-lobong Champola sa ibabaw ng gusali sa tapat ng lugar
kung saan dati'y nakatayo ang People's Park. Tila naubusan na ito
ng lasa, dalawang taon na ang nakaraan.
Tumango si Marieton, tila sinasabing "Okey yun, okey yun."
Lumingon siya ulit sa akin, humihigpit ang hawak sa kamay ko habang
kami'y nagtitigan. "Wala akong problema kung gusto mong magpatubo
ng balbas, kung ano man ang rason mo, pero puwede pangakuan mo akong...
di ka magpapatubo ng bigote?"
Hinawakan ko ang kanyang mga kamay, tinitigan siya sabay nangako
na mananatiling kalbo ang nguso ko habambuhay.
"Di rin naman ako ganun kagaling magpatubo ng bigote, e,"
ang dagdag ko.
"Salamat at hindi mo ako tinanong kung bakit. Salamat sa pag-intindi,"
ang sabi ni Marieton sa akin. Hinalikan ko siya't niyakap, at pahabol
na sinabing "Kahit ano, Marieton, basta ikaw."
Ngumiti si Marieton, sabay yakap sa akin, nagpaulan ng halik sa ngusong
ginawa sana para tubuan ng bigote, ngayon, tutubo dito ay Pag-Ibig.